Una sa Balita

Kailangan ng overhaul

By
0 2,555

PASOK na naman sa finals ng Philippine Cup ang San Miguel Beer. At sa tingin ng marami, pati na ng pitak na ito, walang makakapigil sa Beermen sa finals, Magnolia man o NLEX.

Ganyan kalakas ang SMB ngayon. At siguradong lalakas pa ito kapag nasa kanila na si Christian Standhardinger mula sa Asean Basketball League.

Aling koponan ang puwedeng bigyan ng magandang laban ang SMB, maliban sa Ginebra (kung hindi injured si Greg Slaughter)?

Siyempre, nandiyan ang TNT KaTropa, pero mukhang malaki ang problema ng koponan, sa manpower at iba pang bagay.

Parang kailan lang nang naghahari ang TNT sa PBA. Nakukuha ang mga manlalarong sa tingin ng marami ay maganda ang potensiyal para maging star. At wala ka ring masasabi sa coaching staff.

Pero nitong mga nakaraang conference ay hindi biniyayaan ng titulo ang TNT. Noon ngang nakaraang Dis­yembre ay natalo ito sa Game 7 ng Governors Cup sa Ginebra.

Pagdating ng Philippine Cup, o All-Filipino, tinamaan ng injury ang ilan sa mga inaasahang manlalaro ng koponan. Nakabalik man ang mga ito, huli na ang lahat para sa KaTropa. Hindi na sila nakapuwesto ng maganda para sa playoffs.

Nabigo ang koponan na makuha si Standhardinger, na siya sanang puwedeng pantapat kay June Mar Fajar­do. At katulad ng ibang mga koponan, kasama na ang Ginebra, mahihirapan silang pabagsakin ang SMB sa trono nito.

Na siyang dahilan kung bakit ang usap-usapan ngayon ng mga katoto ay kailangan na ng TNT ng overhaul. Hindi na bata ang ilang mga manlalaro ng koponan, kung baga ay kailangan na ng bagong dugo. Ang tanong ay kung kailan ito gagawin ng management o kung gagawin ito sa lalong madaling panahon.

Ngayon pa lang ay tiyak na naghahanda na ang koponan sa Commissioner’s Cup at naghahanap na ng matinding import. Pero alam ng lahat na maski na magaling ang isang import, kung hindi naman ito kayang suportahan ng mga manla­larong lokal, wala rin, baka sa kangkungan din pulutin ang koponan.

Kaya hindi ako magtakaka kung sa mga susunod na araw o linggo ay mabalitaan natin na mayroong mga trade na mangyayari kung saan kasama sa usapan ang ilang mga manlalaro ng TNT. Baka nga pati sa coaching staff ay…

Pero puwedeng hindi na dumating sa puntong ‘yun ang lahat. Ang kailangan ng TNT ay mga bagong mukha, bagong dugo, bagong determinasyon, bagong drive, ika nga sa Ingles.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More