Una sa Balita

Kailangan ng notice bago ipa-sheriff

0 397

Dear Atty Claire:

Ako po si Nick na isang OFW sa bansang Saudi Arabia. Lagi ko po binabasa ang ang column ninyo na Let’s Clear It at nabasa ko po ang tungkol sa sangla-tira at naliwanagan po ako sa mga isyung inyong binanggit.

May tanong lang po sana akong idudulog sa inyo sa kadahilanang ako po ay nagsangla ng titulo ng lupa sa halagang P400,000.00 at nakapangako naman po ako na babayaran ko ang halagang iyon sa pamamagitan ng pag­huhulog o installment basis po buwan-buwan hanggang sa matapos ko ang bayarin na may kasamang interes na P6,000.00 (monthly).

Ngayon ay meron pong nagsabi sa nanay ko na ipapa-sheriff daw niya ang bahay namin sa hindi ko malamang kadahilanan. Tanong ko po, may karaparatn po ba siyang ipa-she­riff ang bahay namin kahit nakapangako na ako na babayaran ko ang pagkakasangla ng titulo?

Notaryado po itong pagkakasangla ng titulo. Sana po malinawan ako at mapayuhan niyo po tungkol po sa isyung ito.

Maraming salamat po at mabuhay po kayo at ang column niyo po sa Abante.
Nagpapasalamat nang lubos, Nick.

Dear Nick:
Salamat po sa iyong pagtangkilik sa column na Let’s Clear It at natutuwa po ako na marami ka­yong natututunan sa mga naisusulat ko.

Tungkol po naman sa problema ninyo ay nais kong malaman kung anong kasulatan ba ang inyong naging pirmahan. Kung isang real estate mortgage na may probis­yon tungkol sa karapatan ng napagsang­laan na gawin ang extrajucidicial foreclosure kung saan maaari siyang magpasubasta sa pamamagitan lamang ng pagsampa ng petition sa Office of the Clerk of Court/Ex-Officio Sheriff at hindi na sa korte pa. Kung ganito ang sitwasyon ay maaari niyang ipasubasta o magkaroon ng auction sale pero ito ay ipapaalam sa inyo dahil makakatanggap kayo ng ‘notice’ tungkol sa araw at oras ng auction sale.

Kung ang kasulatan naman ninyo ay walang nilalaman na ganitong probisyon tungkol sa extrajudicial foreclosure ay sigurado na dapat siyang magsampa ng kaso sa korte para sa isang judicial foreclosure of property. Papadalhan ka rin ng ‘notice’ ng korte upang ikaw ay makasagot sa kanyang petition.

Kaya’t hindi maaari na basta ipa-sheriff ang bahay mo nang wala man lamang notice upang ikaw ay makalaban o makasagot sa kanyang petition.

Kung wala naman kayong kasulatan ng sanglaan maliban sa verbal na usapan lamang ay hindi niya mapapasubasta ang ari-arian mo. Ang maaari lamang niyang isampa ay kasong civil para sa collection of sum of money.

Kung nakakabayad ka sa kanya ayon sa inyong napagkasunduan ay wala akong nakikitang karapatan sa kanya na ipa-sheriff o ipasubasta ang bahay mo.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy