Una sa Balita

Kailangan ang mabilis at maayos na internet service

0 34

Masuwerte sa kanilang pag-aaral ang henerasyon ng mga kabataan ngayon dahil mayroon ng internet.

Hindi na nila kailangang pumunta sa library para mag-research kapag may homework o project sa eskwelahan.

Dahil sa internet ay naging mabilis na rin ang transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor. Puwede nang mag-apply online ng NBI clearance at passport.

Kung babayaran ang kuryente puwede na rin sa internet gawin ang transaksyon kung ayaw pumila sa counter.

Malaking tulong ang dulot sa ating buhay ng pagdating ng internet. Kahit sabihin pang may mga negatibong epekto ito, lalo na sa ibang kabataan na nalululong sa computer games, ay hindi maitatanggi na malaki ang pakinabang ng mga tao sa internet.

Pero, hindi maganda ang serbisyo ng internet sa Pilipinas. Bukod sa mabagal ay mayroong mga lugar na mahina ang signal o wala talagang masagap na internet connection.

Nagbabayad ka sa pagpapakabit ng internet pero walang silbi ito kung hindi nagagamit ng maayos.

Maiirita ka lang pagdating ng billing dahil nagbayad ka sa serbisyong hindi mo naman napapakinabangan ng maayos.

Isa sa mga proyektong isinusulong ng administra­syong Duterte ay mabigyan ang mga Pinoy ng maayos at mabilis na internet service.

Katunayan ay inaayos na ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang national broadband plan para sa buong Pilipinas.

Gusto rin mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte na buksan ang telecommunications industry sa iba pang kompanya para magkaroon ng malayang kompetisyon.

Hindi kagaya ngayon na kontrolado lamang ng dalawang telecommunications company ang industriya.

Tama naman na gawin ito para magkaroon ng pasiklaban ang mga telcos. Siyempre kung sino ang mas mahusay o magaling magbigay ng serbisyo ay iyon ang tatangkilikin ng mga tao.

Hindi naman kasi dapat kinokontrol ng iilan lamang ang industriyang ito lalo pa’t malaki ang public interest sa kanilang serbisyo.