Una sa Balita

Kailan kaya tayo matatauhan?

0 487

Napabalita kamakailan na ang pagpapalit ng klima — o tinatawag na climate change — ay makakapinsala sa kalusugan ng isang buong henerasyon malibang kung magkakaroon ng makabuluhan at agarang pagbabawas sa paggamit ng tinatawag na fossil fuels na nagtataglay kagaya ng karbon, petrolyo at iba pa.

Ayon sa organi­sasyong Lancet Countdown na naglabas nito, ito ay mangyayari sa pamamagitan ng pagtaas ng mga nakamamatay at nakakahawang mga sakit at sa pagbulusok ng malnutrisyon. Ipinaliwanag din ng mga dalubhasa na ma­nganganib ang supply ng pagkain dahil sa mga malawakang pagkasira ng mga pananim dulot ng madalas na pagbaha.

Ngayon pa lamang ay nararamdaman at nakikita na natin ang mga ganitong mga pangyayari. Naaalala ko pa, maraming taon na ang nakalilipas, bihira ang mga ganitong pangyayari sa ibang bansa, lalong-lalo na sa mga maunlad na mga bansa. Ngunit pansinin ninyo na maraming mga maunlad na bansa ang nakararanas na ng mga pagbaha, sa kabila ng pagkakaroon nila ng mga imprastraktura upang hindi mangyari ang mga ito. Kabilang dito ang mga bansang England, US, Japan, Ita­ly at marami pang iba. Hindi mga ordinaryong baha ang ating pinag-uusapan dito, kundi mga sakuna.

Pansinin ninyo na ang mga kaganapang pang-klima ngayon ay kadalasang bumabasag ng mga naitalang mga rekord.

Tingnan natin ang Venice, isang siyudad sa Italy na nakatayo sa ibabaw ng mahigit sa isang daang mga maliliit na isla. Wala silang mga kalsada, puro mga kanal lang. Kaya masasabing sanay naman sila sa mala-baha na tubig sa paligid nila. Ngunit, kamakailan ay dumanas sila ng lubhang pagbabaha na — ayon sa mga ulat mula sa Ve­nice — pinakamalalang naranasan nila sa loob ng limampung taon na nagbunsod din ng pagdedeklara ng state of emergency. Ito ay dahil sa kakaibang high tide.

Paulit-ulit sinasabi ng mga nagtataguyod ng kalikasan na dapat na nating tigilan ang paggamit ng fossil fuels. Walang akong kontra-argumento doon. Ngunit sinasabi ito ng iba na tila ito ang tanging sanhi ng pagkasira ng ating kalikasan at ng pagpapalit ng klima. Palagay ko, sa isang makatotohanang pagtingin, may punto rin naman ang sinasabi ng iba na hindi natin maaa­ring alisin ang paggamit ng fossil fuels sa isang iglap. Huwag nating lokohin ang ating mga sarili na mangyayari ang paghinto ng paggamit ng fossil fuels sa Pilipinas sa loob ng limang taon, o maaaring mas matagal pa.

Samakatuwid din, ang mga mapaminsalang mga sakuna ay hindi rin nating kayang awatin sa ngayon sapagkat ang mga ito ay dulot ng ilang dekada o siglo ng pagkawalang alintana sa ating kalikasan. Ang mga naunang heneras­yon ay naging abala sa pagpapaunlad ng mundo na nakalimutan nilang tingnan ang mga implikasyon ng kanilang ginagawa. Ang ating mga desisyon at pagkilos ngayon ay nakatuon na dapat sa kinabukasan.

Marami tayong maaaring gawin, kabilang dito ay ang pagmulat sa ating kabataan kagaya ng gagawin ng Italy ng paglalagay ng 33 oras para sa pagtalakay ng paksang pagpapalit ng klima at mga isyu ng sustainability sa mga paaralan. Ayon sa kanila, ito ay gagawin upang ang mga mamamayan ay ma­ging handa sa anumang emerhensyang kaugnay ng klima.

Sana hindi lang sa iligal na droga nakatutok ang ating Pangulo. Sana matauhan na rin tayong lahat na malubha ang sitwasyon ng climate emergency.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy