Una sa Balita

Kahit sa panahon ni Kristo may fake news

By
0 727

 

Sa isa pang pagkakataon, pinag-usapan muli sa pagdinig ng isang komite sa Senado ang isyu ng ‘fake news’. Pero gaya ng dati, wala pa ring malinaw na ending kung ano ang gagawin dito.

Sabi ng ating kurimaw, dapat tanggapin na lang ang katotohanan na bahagi na ng buhay natin [lalo na ngayong may internet] ang paglipana ng mga mapanlinlang na impormasyon na ipakakalat ng mga kumag, na kung walang magawa sa buhay eh pinagkakakitaan ang panloloko.

Abante Hiring – IT dep

Aba’y matagal nang pinag-uusapan ang fake news pero hindi pa rin mapagkasunduan kung ano nga ba at kung papaano ikaklasipika ang ‘fake news’. Kesyo may nagsasabing hindi naman ‘news’ ang ipinakakalat na impormasyon kaya hindi dapat idikit ang salitang ‘news’.

Ang totoo niyan, nagamit na lang ang salitang fake news dahil iyan na ang nakasanayan at madaling tandaan at bigkasin. Ang nakalulungkot nga lang, kahit ang mga tunay na balita na nagkaroon ng pagkakamali sa detalye eh natatawag na ring ‘fake news’.

Kung ang pag-uusapan sa ngayon ay kung kaya bang wakasan ang paglipana ng mga fake news, mukhang malabo at mahirap pa. Kahit kasi ang Facebook na ginagamit na daanan ng pagpapakalat ng fake news eh hindi pa nakakahanap ng paraan kung papaano ito mapupurga sa kanilang sistema.

Hindi naman na talaga bago sa ating mga Pinoy ang pagkakaroon ng fake news. Tandaan natin na maging ang mga bayani natin ay nabiktima rin noon ng fake news. Gaya na lang ng ‘Utak ng Rebolusyon’ at binansagang ‘The Sublime Paralytic’ na si Apolinario Mabini ay nadala ng fake news.

Aba’y may kumalat na balita noon na kaya siya nalumpo ay dahil sa ‘syphilis’ o isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Mantakin mong kahit patay na siya ay pinagtatalunan pa ito hanggang sa suriin ang kaniyang bangkay para kumpirmahin na nagkaroon siya ng polio kaya siya nalumpo.

Kahit sa panahon ni Hesukristo o bago pa man iniluwal sa mundo, maging sa unang tao sa Bibliya — Adan at Eba, meron fake news dahil sinasabing delikado ang pagkain ng mansanas pero sila’y hindi naman namatay; maging si Kristo napako sa krus dahil sa samu’t saring fake news na propaganda pa rin ang katawagan ngayon.

Papaano naituwid at nabura ang maling paniwala tungkol sa pagkalumpo ni Mabini? Sa pamamagitan ng paglalabas ng katotohanan. At iyan din ang pinakamabisang panlaban sa fake news ngayon.

Dapat kumilos ang mga kinauukulan at mga sektor na may malasakit para labanan ng tama o ilabas ang katotohanan ang peke. Dapat ding ituro o ipaalam sa publiko [lalo na sa netizens] kung papaano makikilala ang fake news.

Isang halimbawa nito ay pagdobol check sa nakita o nabasang artikulo na kunwaring balita, lalo na sa Facebook. Kung hindi kilala ang pinagmulan ng nakagigimbal na impormasyon, aba’y hanapin sa mga lehitimong news website. Kung sadyang malaki ang balita, imposibleng hindi iyan makikita o makukuha ng mga tinatawag na mainstream media. Kadalasan kasi sa fake news, ‘titulo’ lang ang nakalagay pero walang detalye at peke rin ang ‘link’.

At kung duda ka o wala sa ibang lehitimong news website ang nabasang nakagigimbal na impormasyon, aba’y huwag mo nang i-share para hindi ka magamit at magmukhang tanga. Sa totoo lang, iniinsulto at tanga ang turing sa netizens ng mga taong nasa likod ng nagkakalat ng fake news. Iniisip nila, madaling maniwala ang mga tao at hindi nag-iisip.

Pero dahil mahilig sa tsismis ang maraming Pinoy lalo na kung walang magawa kundi ang mag-FB, marami pa rin tiyak ang pumapatol sa fake news at ikinakalat pa; gaya ng ginagawa ng mga pangkaraniwang istambay na nais magpabida. Ika nga, propaganda at tsismis noon, fake news ngayon! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”