Una sa Balita

Kahit may leukemia ang anak, ginang nagsoli ng napulot ng P60K sa Naga

0 326

ISANG empleyado ng Metro Naga Chamber of Commerce and Industry, ang pinarangalan ng Naga City Hall kamakailan matapos nitong isoli sa may-ari ang clutch bag na naglalaman ng P60,000.

Kahit na may mabigat na problema sa kanyang buhay si Ms. Peachy Dy-Liacco Dela Cruz, hindi pinag-interesan ng ginang ang laman ng bag bagkus ay isinoli ito sa may-ari.

Hindi sapat ang kinikita ni Dela Cruz lalo pa’t mayroon itong ipinapagamot na anak na na-diag­nose na may leukemia.
Ayon sa ginang, ginawa lang niya ang dapat gawin na isoli ang perang hindi naman niya pag-aari.

Nakiusap na lamang ito sa mga taong pumuri sa kanyang ginawa na ipagdasal ang kanyang mga anak.

Noong Hulyo, napulot ni Dela Cruz ang bag sa isang stall sa Naga City People’s Mall. Dahil hindi alam kung kanino isosoli, sinilip nito ang laman ng bag at nakita ang identification card (ID) na nakapangalan kay Ms. Monique Torres Sanchez ng Parañaque City.

Agad niyang tinawagan si Sanchez para ipaalam na siya ang nakapulot ng bag. Nagkita sila sa isang chapel malapit sa nasabing mall at ibinalik ang bag na naglalaman ng mga dokumento at P60,000 sa sobre.

Umani naman ng papuri ang ginang dahil sa ibinigay nitong magandang halimbawa.