Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kahit inaprub ng FDA: Sinovac bawal sa mga health worker, senior

0 97

HINDI pinapayuhan ng Food and Drugs Administration (FDA) na gamitin ang Sinovac vaccine sa medical health workers at senior citizens.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni FDA Chief at Health Undersecretary Eric Domingo na bagama’t nakapasa ang Sinovac sa pag-aaral at nabigyan ng Emergency Used Authorization (EUA) ay hindi ito ang pinakamagandang bakuna para sa mga medical frontliner at mga senior citizen.

“Ang nakita po kasi doon sa trials sa Brazil na ibinigay sa health worker­s na nagtatrabaho sa hospitals na exposed sa COVID patients ay 50.4% ang efficacy niya. So mas mabuti naman po ‘yon kesa sa wala. Pero ang rekomendasyon ng ating mga expert ay hindi po ito ‘yong pinakamagandang bakuna para sa kanila,” ani Domingo.

Binigyang-diin ng opis­yal na ligtas gamitin ang Sinovac dahil pumasa ito sa FDA subalit para lamang ito sa mga 18-59 years old “clinically healthy” na mga Pilipino.

Wala naman aniyang nakitang masamang epek­to ang nabanggit na bakuna dahil mild to moderate lamang ang adverse effect nito sa mga nabakunahan na sa ibang mga bansa.

“‘Yong safety profile niya is good, ‘yong mga adverse event nito is mild to moderate, the usual na pananakit sa braso, konting sinat at ang rating po niya ay maganda doon sa allergy and anaphylaxis. Mababa po ang posibilidad na magkaroon ng allergy or severe allergy sa bakunang ito,” dagdag ni Domingo.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na mababago ang naunang binuong priority list sa babakunahan dahil hindi pinapahintulutan ng FDA ang paggamit ng Sinovac sa mga health worker at senior citizen at sa halip ay mga economic frontliner at militar ang mauuna.

“Magpupulong po ‘yong (National Immunization Technical Advisory Group), sila po ‘yong bumuo ng list of priorities. Ang mangyayari po diyan, kinakailangan nilang baguhin muna ang ating list of priorities para sa Sinovac. Meron kasing 100,000 na donated para sa militar so kinakailangan magamit talaga ‘yong 100,000 sa militar,” ani Roque.

“Pangalawa, dahil ang ating first priority ay healthcare workers (at) mga senior, baka mauna na ang mga tinatawag nating mga economic frontliner na kasama ng ating mga kasundaluhan. Ito po ‘yong mga nagtatrabaho sa mga industriya na bukas noong panahon ng (enhanced community quarantine),” dagdag nito.

Iginiit pa ni Roque na sa loob ng tatlong araw ay posibleng makarating na sa bansa ang mga hinihintay na bakuna. (Aileen Taliping/Prince Golez)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.