Una sa Balita

Kahit hindi ipasok, ayos lang

0 2,435

Alas-diyes na ng gabi… binabasa ko na lang mga text messages sa akin… dun kasi nila dinadaan ang mga request na gawaing bayan… nang biglang kumatok si Jacob sa kuwarto… “dad, andyan si Matt sa baba.”

Ah ok… “baba ako in 5 minutes”… sa malamang,  may laban sila bukas… ritwal na kasi na dumadaan siya sa bahay bago ang laban… may dala siya kadalasang isang pares na Jordan shoes… parang offering para su­werte… proven na kasi.

Pagbaba ko,  sinalubong niya ko tas sabi “hehe ninong, may laban kami bukas. May dala akong Jordan 4 levis para sa’yo.”

Gulat ako kasi mahal ‘yun… binuksan ko agad. Tas sinukat kasi mula nang lumabas ‘yun, parang curious ako dahil sobrang mahal sa black market… 

Biniro ko muna. “o natalo kayo ah… hehe ‘di tayo kasi nagkita tsaka wala kang dalang shoes“

Tumawa siya ng malakas. Sabi ko “di bale top scorer ka naman kahit natalo kayo.”

Dito ko nagulat sa sagot niya:

“Nong kahit di nila ako ipasok, basta manalo lang team namin, mas ayos ‘yun.” 

Di ko pinahalata na bumilib ako sa sagot niya… tas naisip ko, ilan pa bang tao me­ron na kung mag-isip eh hindi lang pangsarili.  Ilang tao pa ba ngayon ay makikilala mo na hindi ‘yung kanyang personal na interes ang uunahin o mas pahahalagahan?

Maganda ang pananaw ng batang ito… maganda ang hubog. Team spirit brings home the gold… 

‘Yung pagiging makasarili ang madalas dahilan kung bakit di umuusad ang isang grupo team o bayan… ‘yung masyadong pagpapahalaga sa sarili ang madalas dahilan kung bakit hindi natin nakukuha ang mga pangarap ng isang grupo, isang team o ng isang bayan…

Kinamayan ko siya bago siya umuwi… halos dalawang oras na kaming nag-uusap.. inaantok na rin ako tsaka naubos na ‘yung baon kong kuwento…sabay bulong, bukas mananalo kayo sa laban niyo sa UP. 

Nangyari nga..

Congrats Matt!