Una sa Balita

Kahit anong katwiran

By
0 714

Bilang isang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation, nakababahala ang ulat na iniim­bestigahan ngayon ang officer-in-charge ng ahensiya dahil sa ma­laking gastos.

Ayon sa report ng Commission on Audit, si­mula nang manungkulan noong Abril ng 2017, ang kasalukuyang namumuno ng PhilHealth na si Celestina Ma. Jude Dela Serna ay gumastos ng aabot sa P627,293.04 para sa ‘hotel accommodations,’ biyahe sa eroplano at ibang mga gastusin.

Ang ginastos ni Madame Dela Serna ay mula sa pera ng mil­yong mga miyembro ng PhilHealth.

Dahil ba may basbas ang Board ng PhilHealth, okay ng gastusin ang pera ng mga miyembro na binubuo ng mga ordinaryong manggagawa at mga boluntaryong miyembro na nagsusubi mula sa kanilang karampot na kita mapanatili lamang ‘updated’ ang kanilang’membership’ sa ahensiya?

Dahil ba aprubado ng Board, pwede na lang basta gamitin ang kontribusyon mga OFW na nagpapakahirap sa ibang bansa maitaguyod lang ang pamilya?

Ang pondong ina­prubahan ng Board para kay Dela Serna ay pera ng mga miyembro para sa kanilang pangangailangang medikal sa hinaharap.

Kaya napakahirap tanggapin ang anumang katwiran na pwedeng gastusin ang pera ng mga miyembro basta aprubado ng Board.

Sa kabilang banda pwede ring mabitin ang pagbabayad sa anumang ‘accredited hospital” kung haharangin ito ng Board.

Tama lamang paim­bestigahan ni PDU30 ang paggastos na ito sa PhilHealth. Baka ang makapangyarihang Board ay may inaprobahang gastusin na talo ang mga miyembro.

***
Dumale na naman si Ret. PNP Chief Ronald dela Rosa. Hindi napigil ang kanyang bunganga at pumutak sa harapan ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison.

Siya na kasi ang hari doon dahil itinalaga ni PDU30 bilang director ng Bureau of Corrections.

Ipinaggiitan ni Dela Rosa sa kanyang mga “captive audience” na siya ang “boss” at wala ng iba pa.

Alam ni Dela Rosa na mga halang ang kaluluwa ng kanyang mga kaharap at marahil kung hindi siya magpapakitang gilas o maninindak ay pagtatawanan lamang siya.

Ingat na lamang si Bato. Ang dami ng director ang nagdaan sa Bilibid. Kung ano ang kanilang dinatnan hanggang sa lumisan ang NBP ay nanatiling muog at kulungan ng mga nais magbago at mga talamak ng lipunan.
Ang kutsabaan sa pagitan ng mga awtoridad at kriminal ay nanatili sa mga pasilyo ng kulungan.
Kahit pukpukin pa ng bato, ang “hiwaga” na bumabalot sa New Bilibid ay hindi malulusaw, hangga’t may sabwatan.