Una sa Balita

Kahalagahan ng kooperasyon sa kaunlaran

0 392

Napakarami ng mga kwento natin tungkol sa iba’t ibang proyekto sa ilalim ng Angat Buhay ni VP Leni Robredo na patuloy na nakatuon sa pagsisikap nating mapaganda ang buhay ng ating mga kababayang nasa laylayan.

Linggo-linggo, inihahatid namin sa inyo ang iba’t ibang istorya ng pagbabago na buhat ng pagbisita namin sa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na komunidad. At linggo-linggo rin, nabibigyan tayo ng panibagong pag-asang isang araw ay matatalo rin natin ang kahirapan.

Sa pagtutok natin sa iba’t ibang key advocacy areas— katulad ng food security and nutrition, universal healthcare, rural development, public education, wo­men empowerment, at housing resettlement—unti-unti tayong nakakatulong sa pagbago ang kinabukasan ng ating mga kababayan.

Isa itong napakahirap na responsibilidad lalo na para sa isang opisinang halos walang budget para sa mga proyektong tunay na makakapagdala ng pagbabago. Kaya maitatanong ninyo: Paanong nakakapagpatuloy ang Angat Buhay?

Tinanong iyan kay VP Leni dati, sagot niya: “Wala naman pong pera iyong aming­ opisina. Nagagawa po natin ito dahil sa mga organisasyon na nagmamagandang-loob tumulong.”

Alam na ninyo ang mga kuwento tungkol sa mga Angat Buhay partners na tapat at buong pusong tumutulong sa programa ni VP Leni. Alam na ninyo na dahil sa kanilang kabutihang-loob, maraming mga buhay ang gumaganda at patuloy na nagbabago. At lahat ng ito, dahil sa patuloy na koo­perasyon ng iba’t ibang sektor.

Maliban sa mga pri­badong organisasyon na katulong ng Angat Buhay, nandiyan rin ang iba’t ibang institusyon sa ating pamahalaan na kabalikat at nakikipagtulungan rin sa programa ni VP Leni. Isa rito ang Department of Education (DepEd).

Sa adbokasiya ng public education, katuwang ng Angat Buhay ang DepEd para siguraduhing handa ang mga paaralan sa nalalapit na pagbukas ng school year.

Related Posts

Kagaya ng kuwentuhan natin noong isang linggo tungkol sa kahandaan ng mga paaralan sa probinsya, nakikipag-ugnayan din ang Angat Buhay sa DepEd para tumulong sa taunang Brigada Eskuwela.

Sa inisyatibong ito, tulong-tulong ang mga guro, school administrators, magulang, at mga volunteers ga­ling sa OVP at DepEd para ihanda ang mga classrooms at ang buong eskuwelahan para sa pasukan: pinipinturahan ang mga silid-aralan, nililinis ang mga upuan, at inaayos ang mga sirang kagamitan sa paaralan.

Gaya ng Brigada Eskwela na naganap noong isang linggo sa Iquin Elementary School—isang maliit na paaralan sa Brgy. Iquin, Canaman, Camarines Sur.

Kuwento ni ma’am Shiela Manago, Teacher­-in-Charge sa Iquin Elementary School, mayroon silang 132 na estudyante mula kinder hanggang grade 6. Pito lamang silang mga guro na humahawak sa mga batang ito—malaki ang tulong na kailangan nila bago magsimula ang school year.

Kaya’t laking tuwa ni ma’am Shiela nang mala­man niyang maraming volunteers na dadagsa para tumulong sa pag-aayos.

“Ang Brigada Eskuwela ay napakahalaga sa amin dahil ito ang paghahanda namin sa pagbubukas ng klase,” kuwento niya. “So kapag maganda ang classrooms at iyong buong school, mas namomotivate ang mga bata na pumasok sa paaralan. Kaya ang Brigada Eskuwela ay napakahalaga sa amin.”

Mangiyak-ngiyak din nang nakausap namin ang PTA President na si nanay Melinda Adan­te. Sabi niya, “Nakita ko na kahit gaano ka-busy ang mga magulang—may mga pamil­ya, may mga trabaho sila—nandiyan pa rin ang pagsuporta sa mga anak pati sa mga guro. Ito talaga ang napaka­gandang bunga ng kooperasyon.”

Wala mang malaking budget ang Angat Buhay, napakasarap sa pakiramdam na makitang patuloy pa rin itong nagdadala ng pagbabago sa bayan. Dahil sa kooperasyon ng mga sektor—pribado o pampubliko man—unti-unti nating napaparaanan ang mga bagay na magbibitbit sa atin tungo sa mas magandang buhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy