Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kahalagahan ng kalusugan

0 22

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Marso, 2021, sakit sa puso, cancer at cerebrovascular diseases (tulad ng stroke) pa rin ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng maraming Pilipino. Dahil sa mahal na gamot at ‘di pantay na access sa healthcare system o sistemang pangkalusugan ng bansa, maraming mahihirap ang namamatay sa sakit. Sa pagtaya, pito sa bawat 10 maysakit na Pinoy ang namamatay nang ‘di man lang nakapagpatingin o nagamot ng doktor.

Dahil dito, napakahalagang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino. Noong Hulyo 4, 2021, mapalad po ang inyong lingkod dahil ating nakasama si Sen. Risa Hontiveros sa paglulunsad ng kauna-unahang Mobile Health Clinic sa Bicol Region. Unang pinaglingkuran ang mga residente ng Barangay Banquerohan sa Legazpi City sa proyektong hatid ng senadora katuwang ang Ako Bicol Party-list.

Personal na dumalo si Sen. Hontiveros sa programa kasama ang inyong lingkod. Hangad ng proyektong tulungan ang mga kababayan nating walang kakayahang pumunta sa ospital dahil sa kahirapan at banta ng COVID-19 sa kalusugan. Ang proyektong ito’y tumakbo ng 11 araw sa iba’t ibang lugar sa Bicol Region.

Sunod naming pinuntahan ang Iriga City. Labis ang pasasalamat at kasiyahan ng mga taga Iriga nang sadyain ng Healthy ‘Pinas Mobile Health Clinic ang siyudad. Kasama ng inyong lingkod sina Sen. Hontiveros at Cong. Alfredo Garbin, Jr. sa pag-aasikaso sa mga residenteng nangangailangan ng atensyong medikal.

Sa mga sumunod na araw ay sinadya ng mga staff ng senadora at ng Ako Bicol Party-list ang Barangay Buyo sa Goa, Camarines Sur upang doon naman ilunsad ang Mobile Clinic. Doon ay nagbahagi ng libreng konsultasyon sa doktor, ilang libreng gamot at lab tests tulad ng ECG, X-ray at ultrasound.

Hindi inalintana ng grupo ang layo ng byahe makapagbigay lang ng tulong at pangangailangan sa mga kababayan nating walang kakayahang magpatingin o magpagamot ng kanilang karamdaman.

Related Posts

Tinungo rin ng team ang Barangay Bigaa sa Legazpi City kung saan hinandugan ang mga residente roon ng libreng eksaminasyon. Dinalaw din ng mobile clinic ang Ligao Gymnasium sa Binatagan, Ligao City kung saan nagsagawa ng konsultasyon sa doktor at mga lab tests tulad ng X-ray, ultrasound, blood chemistry at ECG.

Bukod sa medical services, nilagdaan din ng inyong lingkod at ni Sen. Hontiveros ang “Covenant to Assist Displaced Workers” upang tulungang makaahon sa hirap ang mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay.

Ayon sa kasunduan, maglalaan ng pondo ang inyong lingkod at si Sen. Hontiveros upang mabigyan ng pagkakakitaan ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya. Ito’y sa pamamagitan ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Ang inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list ay labis na nagpapasalamat kay Sen. Hontiveros dahil sa programa nyang makapagbigay ng libreng medical services sa mahihirap nating kababayan at sa kanyang pangakong tumulong sa pag-ahon ng mga kababayan nating nawalan ng hanapbuhay.

Hanggang sa muli mga kababayan kong Bicolano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.