Una sa Balita

Kahalagahan ng estadistika

0 446

Itinalaga po ang buwan ng Oktubre bilang ‘National Statistics Month’ sa bisa ng Proclamation No. 647 na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino noong 1990.

Bagama’t abstraktong usapin ang estadistika, napakahala­gang aspekto po nito sa kaunlaran dahil halos lahat ng patakaran ng gobyerno o batas ay nakasalig sa mga opisyal na estadistika tulad ng labor force, edukasyon, kalusugan, kahirapan, atbp.

Ang opisyal na mga estadistika sa Pilipinas ay sumusunod po sa internationally-acceptedna mga pamamaraan at batay sa mga datos na galing sa mga sample survey at mga census.

Noong tayo pa ang pinuno ng TESDA, tiniyak po natin na magkaroon ng mahusay na estadistika ang ahensya lalo na po sa ‘EGACE’ o Enrolled, Graduates, Assessment, Certification at Employment ng tech-voc sector.

Bukod dito, regular din po tayong nagsagawa ng mga tracer study sa pamamagitan ng impact evaluation survey (IES) at emplo­yers’ satisfaction survey (ESS) para makakuha ng datos tungkol sa mga in-demand na tech-voc courses, profile ng mga Pilipinong kumukuha ng tech-voc, at higit sa lahat kung gaano karami at kabilis nakakapasok sa trabaho ang mga tech-voc graduates at ang antas ng satisfaction ng mga employer sa performance ng TESDA graduates.

Dumadaan po sa pagsusuri ng National Statistical Coordination Board (NSCB) ang ginamit nating mga survey methodology. Dahil dito, napatunayan po nating talagang daan sa pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan ang tech-voc: Pito sa bawat sampu ang nagkakatrabaho at siyam sa bawat sampung employer ang satisfied sa performance ng tech-voc graduates.

Ngayong tayo po ang pinuno ng Committee on Labor at Committee on Higher and Technical Education sa Senado, masasabi po nating halos lahat ng ating panukalang batas ay naka-ugat din sa mga opisyal na estadistika.

Sa pagsusuri po natin sa mga datos na mula sa Philippine Statistics Authority, DOLE at mga independent survey firm tulad ng Pulse Asia at SWS, nalalaman po natin kung gaano karaming Pilipino ang nangangailangan ng trabaho at mga kurso sa tech-voc at kolehiyo na dapat pagtuunan pa ng pansin.

Halimbawa, dahil sa mga datos at numero tungkol sa NEET o mga Pilipinong ‘Not in Education, Employment and Training’, nakita po natin kung gaano kahalaga ang isinulong nating ‘Tulong-Trabaho Act’ para sa kabataang wala sa eskuwelahan at wala ring makuhang trabaho.

Mga opisyal na estadistika rin po ang basehan ng ‘First-Time Jobseekers Act’ na nag-e-exempt sa mga fresh graduates sa pagbaba­yad ng mga dokumentong kalimitang hina­hanap ng mga employer.

Kaugnay po nito, suportado po natin ang Senate Bill No. 600 o ang ‘Lifetime Validity of Birth Certificate Act’ para hindi kailangang magpabalik-balik ng ating mga kababayan sa NSO para kumuha at magbayad ng birth certificate lalo na sa mga nag-a-apply ng trabaho at mga OFW.

Ngayong ika-30 taong pagdiriwang ng National Statistics Month, nagpapasalamat po tayo sa lahat ng kawani at mga opisyal sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organization na nakatutok sa pangangalap ng mga datos at pagtataguyod ng database na ginagamit ng gobyerno upang lalong mapalawak ang oportunidad at makalikha ng trabaho para sa bawat Pilipino.

Job Fair Schedule:
Charter Anniversary Festival Job Fair—New City Hall, GenSan Drive, Koronadal City—October 7
PESO-LGU Getafe—Taytay Covered Court, Taytay Getafe, Bohol—October 8
Tanuan City Job Fair—Tanuan City Hall, Tanuan City—October 9

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy