Una sa Balita

Kagitingan kinilala

Mga bayani binuhay sa pelikula

By
0 151

Dahil magse-cele­brate ang Pilipinas ng Natio­nal Heroes Day bukas, ­August 27, minarapat naming gumawa ng listahan ng mga kilala na­ting bayani na ang buhay ay ginawang pelikula at ginampanan sila ng mga sikat na aktor.

Maganda na isinasa­pelikula ang buhay ng ating mga National Hero dahil maraming millennial ngayon ang hindi sila kilala at kung ano ang mga nagawa nila sa ating bayan.

JOSE RIZAL

May ilang documentary films na tungkol sa buhay ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Nandi­yan ang “Jose Rizal: Ang Buhay Ng Isang Bayani (1996)” at “Jose Rizal: The First Hero (2012)”.

Kahit sa TV ay nag­labas ng “Ilustrado” in 2014 kunsaan si Alden Richards ang gumanap bilang si Jose Rizal.
Pero ang pinakanaki­lalang pelikula tungkol sa buhay ng ating Pambansang Bayani ay ang “Jose Rizal” noong 1998 na pinagbidahan ni Cesar Montano at dinirek ni Marilou Diaz-Abaya.

Nagsimula ang kuwento habang nakakulong si Rizal, ilang oras bago siya barilin sa Bagumbayan. Pinakita ang kanyang kabataan hanggang sa kanyang pagsulat ng mga obrang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Isa pang magandang kuwento tungkol kay Rizal ay ang ­“Rizal Sa Dapitan” ni Tikoy Aguiluz noong 1997. Si Albert Martinez ang gumanap na Rizal.

Pinakita sa pelikula ang naging buhay ni ­Rizal habang naka-­exile ito sa Dapitan, Zamboanga del Norte in 1892 at ang kanyang relasyon kay Josephine Bracken.

Isa pang magandang paglalarawan kay Ri­zal ay ang pelikulang “Bayaning 3rd World” ni Mike de Leon kunsaan si Joel Torre ang gumanap. Tungkol naman ito sa malalim na pag-iimbestiga sa heroism ni Rizal.

May isa pang Ri­zal mo­vie na nasimulan si Mike de Leon na may titulong “Pepe” kunsaan ang gaganap na Jose Rizal ay si Aga Muhlach. Pero sa kalagit­naan ng filming ng pelikula ay bigla na lang pina-shelve ito ni Direk Mike.

ANDRES BONIFACIO

Noong 2012 ay naglabas ng isang indie film na may titulong “Supremo” na tungkol sa pamumuno ni Andres Bonifacio ng rebel movement na KKK noong 1896. Mula ito sa direksyon ni ­Richard Somes at pinagbidahan ni Alfred Vargas bilang si Bonifacio.

Pero unang gumanap si Alfred bilang Bonifacio sa 2010 indie movie na “Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio” na dinirek ni Mario O’Hara. Naging kuwento naman nito ay ang magkaibang paniniwala nila Bonifacio at Emilio Aguinaldo.
In 2014 naman, naging bida si Robin Padilla sa isang pelikula tungkol kay Bonifacio na may titulo na “Bonifacio, Ang Unang Pangulo”.

Mas malawak ang pagkakakuwento rito ng na­ging buhay ni Bonifacio bilang isang leader at ang kanyang pagkamatay.

EMILIO AGUINALDO

Nagkaroon na ng pelikula tungkol sa buhay ni ­Emilio Aguinaldo noong 2000 na pinagbidahan ni Jorge Estregan a.k.a. ER Ejercito at mula sa direksyon ni Jose Mari Avellana.

Pero muling ginampanan ni ER ang papel na Emilio Aguinaldo sa 2012 film na “El Presidente”.

Pinakita sa pelikula ang buhay ni Aguinaldo mula bata hanggang sa mailuklok siya bilang unang Presidente ng Pilipinas. Nasa naturang pelikula rin si Cesar Montano bilang si Andres Bonifacio.

GREGORIO DEL ­PILAR

Taong 1996 noong unang isapelikula ang buhay ng bayaning si Gregorio del Pilar na may titulong “Tirad Pass: The Story of Gen. Gregorio del Pilar” na pinagbidahan ni Romnick Sarmenta at mula sa direksyon ni Carlo Caparas.

Pinakita sa pelikula ang paki­kipaglaban ng mga tauhan ni Del Pilar sa mga American soldier sa Battle of Tirad Pass noong December 2, 1899.

Ngayon ay may pelikula ulit na tungkol kay Del Pilar na “Goyo: Ang Batang Heneral” na pinagbibidahan ni Paulo Avelino at mula sa direksyon ni ­Jerrold Tarog.

ANTONIO LUNA

Nag-iisa pa lang ang pelikula tungkol sa kabaya­nihan ni General Antonio Luna. Ito ay ang “Hene­ral Luna” na pinagbidahan ni John Arcilla at mula sa direksyon ni Jerrold Tarog.

Pinakita sa pelikula ang epic battle na pinamunuan ni Heneral Luna labang sa mga Ame­rikano. Si Luna ang tinalagang Supreme Chief of the Army of the First Philippine Republic. Makikita rin ang assassination ni Luna noong June 5, 1899.

Ito ang highest-grossing Filipino historical film of all time na umabot ang kita sa P240 million.

Makikita sa pelikula si Paulo Avelino bilang Gregorio del Pilar, Epy Quizon bilang Apolinario Mabini at Mon Confiado bilang Emilio Aguinaldo.

MACARIO SAKAY

Dalawang pelikula ang nagawa tungkol sa ­buhay ng bayaning si Macario Sakay.

Una ay noong 1939 na may titulong “Sakay” na pinagbidahan ni Salvador Zaragoza at mula sa direksyon ni Lamberto Avellana.

Ang ikalawa naman ay noong 1993 na “Sakay” na tumalakay din sa buhay ni Macario Sakay na isang barbero sa Tondo na sumapi sa Katipunan. Ginampanan naman ito ni Julio Diaz at mula sa direksyon ni Raymond Red.

Isa ring heneral si Sakay na kasamang lumaban with Bonifacio sa 1896 Philippine Revolution. Noong sumuko si Aguinaldo sa mga Amerikano, si Sakay ang umupo bilang Presidente of the Republic of Katagalugan or President of the Tagalog Republic.

LAPU-LAPU

Isang pelikula lang ang nagawa tungkol sa buhay ni Lapu-Lapu, ang tinaguriang King of Mactan. Ginampanan ito ni Lito La­pid noong 2002 at mula sa direk­syon ni William Mayo.

Isa itong semi-fictional account ng buhay ni Lapu-Lapu, ang kauna-una­hang Filipino hero at ang pakikipaglaban nito sa Spanish forces ni Ferdinand Magellan sa Battle of Mactan noong April 1521.