Una sa Balita

Kagawad utas sa land dispute

By
0 1

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Usapin sa lupa ang sinisilip na motibo sa nangyaring pamamaslang sa isang barangay kagawad at pagkasugat sa kasama nito noong Huwebes ng gabi sa Brgy. Papaya sa lungsod na ito.

Batay sa ulat na isinumute ni P/Sr. Inspector Arnel Aguilar sa tanggapan ni Mayor Arvin Salonga, nakilala ang napaslang na si Kagawad Leopoldo Alfanta Ferrer, 64, ng Brgy. Papaya rito at sugatan ang kabarangay nitong si Rodolfo Mudlong.

Lumitaw sa pagsisiyasat na dakong alas-nuwebe ng gabi nang nakikipag-inuman sina Ferrer at Mudlong sa Purok 3 Brgy. Papaya rito kaharap ang tatlong iba, noong huminto ang mga salarin na lulan ng kulay itim na kotse na hindi naplakahan.

Kagya’t na inasinta at pinagbabaril ng isang armado si Ferrer na tinamaan sa ulo’t katawan at namatay noon din.

Nagtamo ng tama si Mudlong at naisugod sa district hospital dito.

Kaagad na ipinag-utos ni Mayor Salonga ang pagtugis sa mga salarin na ipinapalagay na mga kaalitan sa lupa.