Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kagawad binistay ng bala habang natutulog

0 54

Patay ang isang barangay kagawad matapos itong pagbabarilin ng dalawa sa 12 pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na pumasok sa loob ng bahay ng biktima sa bayan ng Baleno, Masbate noong Lunes.

Dead on the spot mula sa tinamong mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romnick Drio, 33-anyos at kagawad ng Barangay Obongan-Diot ng nasabing bayan.

Sa ulat na ipinadala ni Bicol PNP spokesperson Police Major Ma. Luisa Calubaquib, mahimbing na natutulog ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang nasa 12 terorista, dalawa sa kanila ang pumasok at walang salitang tinadtad ito ng bala bandang alas-2:30 ng hapon.

Matapos ang pamamaril ay parang walang anumang nangyari na umalis na ang grupo sa lugar.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng cal. 45, limang basyo ng bala ng 7.62 mm, at 27 basyo ng bala ng 5.56 mm na baril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa brutal na pamamaslang ng mga suspek sa biktima habang patuloy ang follow-up operation sa posibleng pagdakip sa mga suspek. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.