Una sa Balita

Kabuhayang pangkagandahan susi sa kaunlaran ng kababaihan

By
0 73

Simula nang ikasa ang Angat Kabuhayan nitong nakaraang Oktubre, patuloy ang paghanap ng Office of the Vice President (OVP) ng mga komunidad na nanga­ngailangan ng tulong pati na rin ng mga pribado at pampublikong orga­nisasyong naghahanap ng tutulungan.

Isa sa maipagmama­laki naming kuwento ang mga kababaihan ng Brgy. Sto Niño, Marikina kung saan dahil sa pagsisikap, malayo na ang narating sa buhay.

Sa pakikipagtulungan ng L’Oreal Foundation, inilunsad ang ‘Beauty for a Better Life’ (BFBL) kung saan sumailalim sa training ang mga kababaihang interesadong matuto ng hairdressing at pag-make-up.

Naniniwala si VP Leni Robredo na isang mahalagang susi ang pagkakaroon ng kaalaman sa kabuhayan para unti-unting malabanan ang kahirapan.

Isa si Romelyn Asuncion sa mga nagsipagtapos mula sa training ng L’Oreal Foundation. Nitong nakaraang linggo sa graduation ceremony ng batch 2, ikinuwento ni Romelyn kung paano iba-iba na ang kinakaharap niyang kinabukasan dahil sa Angat Kabuhayan at L’Oreal Foundation.

“Bata pa lang ako, marami na akong naging pangarap,” kuwento ni Romelyn. “Isa na du’n ang gusto kong maging isang guro…Maging isang chef… Maging isang hair and make-up artist. Kaya habang lumalaki ako, nahihirapan akong mamili ng kursong aking kukunin sa college life.”

Nagpalit-palit ng kurso si Romelyn nang tumungtong ng kolehiyo. Dahil dito, hirap siyang makatapos.

“Mag-3rd year college sana ako sa HRM kaso huminto ako sa pag-aaral dahil hindi ko talaga alam kung ano ang gusto ko. For almost 2 to 3 months, nag-stop ako. Tumutulong ako sa mama ko sa aming karinderya, and then mga ilang araw, binalita sakin ng ate ko ang tungkol dito sa BFBL sa pagiging hair-dresser.”

Kasama ng 24 pang mga kababaihan, nagtapos si Romelyn mula sa training na magbibigay sa kanila ng kakayahang makapaghanap ng mapapasukang salon o magsimula ng sarili nilang negosyo. Sa araw ding iyon, nilunsad ang batch 3 ng programa.

Katulad ng Angat Kabuhayan ng OVP, patuloy ang L’Oreal sa pagbibigay hindi lang ng pag-asa sa ating mga kababayang nasa laylayan, ngunit pati oportunidad para ating masuportahan ang pangarap nilang bumangon mula sa kahirapan.

“Ginagamit namin ang kaalaman at kagalingan ng L’Oreal, na kilala sa kagandahan, para mapakinabangan ng mga kababayan nating nasa laylayan,” kuwento ni Ms. Carmel Valencia ng L’Oreal.

“Kung makapag-train kami ng 40, 50, o 60 na kababaihan mula sa isang barangay, hindi lang nito babaguhin ang buhay ng mga kababaihan kung hindi ang buong komunidad ang nababago. Dahil ang natutunan namin dito, kung ang dadaan ang mga kababaihan sa BFBL, hindi lang ito desisyon para sa kanila, pero para din ito sa kanilang pamil­ya,” dagdag niya.

“Laking pasalamat ko sa Panginoon kasi, kasi ang pangarap ko parang dito na nagsisimula,” kuwento ni Romelyn sa kanyang valedictorian speech.

Dati, kapag pinag-uusapan ang role ng isang babae sa tahanan at lipunan, ang alam ng karamihan ay nakakahon lang sa ‘ang babae ang ilaw ng tahanan’— tagapagkalinga, tagapagsiguro na hindi nagugutom ang mag-anak, na pumapasok ang mga anak, na may malinis silang isusuot araw-araw.

Ngunit nakita natin ang babae ay hindi lamang ilaw ng tahanan o ina ng bayan; siya rin ay isang matapang na lider sa gitna ng isang kalamidad. Siya ay isang masipag na trabahador na kumakayod araw at gabi para may pagkain ang kaniyang pamilya.

Gaya nga ng sabi ni VP Leni, “Tulad ng L’Oreal, naniniwala kami na mahalaga ang kababaihan sa pagpapaunlad ng isang pamilya at ng isang bayan.”