Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Kabog sina Janella, Barbie: Julia nahiya sa bansag na ‘Drama Princess Royalty of the Century’

0 130

Hiyang-hiya si Julia Barretto sa titulong ibinigay sa kanya ng Viva Television, ang ‘Drama Princess Royalty of the Century.’ Kabog pa nga raw ni Julia sina Janella Salvador, Barbie Forteza, Barbie Imperial, at iba pa na nagbida na rin sa mga teleserye.

Si Julia nga ang bida sa teleseryeng ‘Di Na Muli’ na pinalabas noon sa TV5, at mapapanood na rin sa Vivamax. Bida rin sa ‘Di Na Muli’ sina Marco Gumabao at Marco Gallo, mula sa direksiyon ni Andoy Ranay.

“Nahihiya ako. Nakakahiya `yung century.

“Ang bagets ko pa rin, eh, 24 pa lang ako. Bagets pa ako. Pero nahihiya ako,” sabi ni Julia.

Pero siyempre, sino ba siya para tumanggi sa napakabonggang titulo.

“I’m flattered. I’m grateful, and I don’t know… nahihiya ako. Parang there’s still so much work I should be doing, but I’m grateful for that. “Thank you kasi parang kumbaga, na-recognize rin ako in some way,” sabi ni Julia.

Anyway, inamin ni Julia na sa dalawang Marco, mas kinabahan siya kay Gallo, kesa kay Gumabao. Una nga, mas bata ito sa kanya, at hindi raw siya sanay na may ka-partner na mas bagets pa, lalo na at baguhan, at hindi pa niya alam kung paano magtrabaho si Gallo.

Pero sa huli, napatunayan daw niya kung gaano rin kahusay na artista si Marco Gallo. Desididong matuto sa maraming bagay sa showbiz.

Anyway, ang ‘Di Na Muli’ ay iikot sa pagiging bukas sa pag-ibig at pagharap sa pagsisisi.

Si Julia ay si Yanna, matalino at mapagmahal, ngunit simula nang malaman niyang may kakayahan siyang makita ang nalalabing panahon ng mga tao sa pamamagitan lamang ng paghawak ng kanilang kamay, pinili ni Yanna na huwag maging malapit sa mga tao.

Nagpapanggap siya na isang germaphobe para makaiwas sa paghawak sa mga tao.

Pangarap ni Yanna na makapagtayo ng isang negosyo at suportado ito ng kanyang kaibigan at manliligaw na si CJ, na ginagampanan nga ni Marco Gallo. Nararamdaman ni CJ ang pag-iwas ni Yanna ngunit patuloy pa rin ang pagpapakita niya dito ng pagmamahal. Kay CJ natutunan ni Yanna na dapat pahalagahan ang mga oras na kapiling ang mga taong mahalaga sa kanyang buhay.

Nang makilala naman ni Yanna si Mico (Gumabao), isang gwapo ngunit mapangdudang lalaki, naisip ni Yanna na malabong magkasundo sila nito. Ngunit tadhana na naglapit sa kanila.

Gayunpaman, iniingatan pa rin ni Yanna na hindi mahawakan ang mga kamay ni Mico. Ngunit hanggang kailan niya maiiwasan ito? At paano kung matuklasan niya sa madilim na nakaraan ni Mico? (Dondon Sermino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.