Una sa Balita

Kabataang Pinoy: Handa na para sa SY 2019-2020

0 317

Isa ang edukasyon sa mga advocacy areas ng anti-poverty pro­g­ram na Angat Buhay ni VP Leni Robredo.

Alam na­ting isa itong mahalagang susi para makabangon tayo mula sa kahirapan, kaya’t patuloy tayong nagpupursigi na matulungan ang mga batang Pilipino na makapag-aral at makapagtapos.

Sa marami nating kuwentuhan nitong mga nakaraang taon, naihatid na namin sa inyo ang mga tulong na nadala natin sa iba’t ibang lugar sa bansa para masuporta­han ang mga estudyante.

Napakaraming problema ang kinakaharap ng mga mag-aaral mula sa mahirap na pamilya. Mula sa kakulangan sa pambili ng mga school supplies at pamasahe, problema rin ang mga siksikang classroom at mga malalayong paaralan.

“Kapag galing sila sa malayong lugar, pagdating po nila sa paaralan, pagod na po sila,” kuwento ni Josephine Abot, estudyante mula sa Balangkayan National High School sa Eastern Samar. “Iyong energy nila na para sa school nawawala na po dahil sa paglalakad. So hindi na po sila nakakaintindi sa mga lessons, tired na po sila. Worn-out na.”

Dahil hirap ang mga estudyante pumasok sa eskuwelahan, nagi­ging sanhi rin ito ng pagdami ng insidente ng drop-outs.

“Problema namin dito ang decreasing number of students. Ang enrolment namin, pababa nang pababa, paliit ang aming enrollment. Dahil isa na siguro ang pagiging malayo ng ibang mga barangay,” kuwento ng teacher-in-charge doon na si Irene B. Campanero.

“Mga siguro 4-5km. away ang mga barangay lalo na iyong mga interio­r barangays. Nahihirapan ang mga magulang magsend ng kanilang mga anak papunta rito dahil sa pamasahe.”

Maliban sa kakula­ngan ng mga eskuwelahan, problema rin ang kakulangan sa kakaya­han ng mga pampublikong paaralan na makasabay sa Kto12 na programa ng ating gobyerno.

Gaya noong bumi­sita kami sa Sta. Maria National High School sa Romblon, isa ito sa mala­king hamon sa mga guro.

“One of the challenge­s talaga is iyong equipment. Sobrang mahirap makahanap ng equipment para makapag-offer ng iba’t ibang strands sa senior high school,” kuwento ni teacher German Villasis Jr.

Napakaraming panga­ngailangan ng mga kabataang Pilipino lalo na pagdating sa edukasyon. At nga­yong magsisimula na naman ang isang school year, marapat lang na makatulong tayo sa paghahanda, hindi lang para mas marami ang makapasok, kung hindi para mas marami ring makatapos.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong 135,805 na benefiaries sa public edu­cation. Kasali rito ang mga kabataang Pilipino na hindi nakakapag-aral ngunit patuloy na nangangarap at hindi nawawalan ng pag-asa.

Bilang suporta sa ating mga estudyante, sa Eastern Samar halimbawa, nagdala tayo ng mga multicab para hindi sila mahirapan mapasok sa eskuwela­han. Sa Romblon naman nagdala tayo ng mga equipment na magagamit ng mga senior high students. May mga scholarship at internship programs din tayo sa iba’t ibang probinsya kasama ang mga Angat Buhay partners natin.

Iilan lamang ito sa mga tulong natin sa mga paaralan at estu­dyante para maging handa sa pagpasok ng bagong school year. Marami pa tayong kailangang mabisita, at hindi tayo titigil hanggang sa maabot natin ang madami pang eskuwelahan at estudyante mula sa mga pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na bayan.

Patuloy lang tayo dahil sabi nga ni VP Leni, “Alam natin ang kaha­lagahan ng edukasyon. Sa ating mga Pilipino, ito ang nagbibigay ng pag-asa na makaahon sa kahirapan ang ating mga pamilya.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy