Una sa Balita

Kabastusan ang pagsipol sa babae — Gabriela

By
0 20

“Uncalled for!”

Ganito inilarawan ni Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus ang pagsipol ni President-elect Rodrigo Duterte sa lady broadcaster na si Mariz Umali na naging dahilan para mag-trending ang batikos sa susunod na pangulo.

Sa panayam ng Abante kay De Jesus sa pamamagitan ng telepono, inamin nito na nadismaya siya sa ginawa ni Duterte at higit sa mga nagtawanan sa loob ng press conference room.

“Mas na-turn-off ako sa reaction ng mga tao. Bakit kayo nagtawanan, parang naging joke,” ayon pa kay De Jesus kaya sisikapin umano ng mga na makausap si Duterte para pag-usapan ang karapatan ng mga kababaihan.

Base sa press confe­rence na ipinatawag ni Duterte noong Mayo 31, nagtanong si Umali at nang makita nito ang lady reporter ay sumipol ito kasabay ng pagtawanan ng mga tao.

Marami ang nabigla sa inasal ng bagong halal na presidente dahil sa mismong Davao City ay mayroong ordinansa laban sa pagsipol at iba pang uri ng pambabastos sa mga babae na si Duterte ang pumirma bilang alkalde.

Pinalagan ng mister ni Umali na si Raffy Tima ang paninipol ni Duterte sa kanyang misis at ang reaksyon nito ay naging viral sa social media.

“Pinupuri ko si Mariz because she stand on her ground. Pero hindi dapat nangyari ‘yun dahil ang catcalling ay kulturang matagal na naming ipinaglalaban na baguhin,” ayon pa kay De Jesus.

Naging topic din sa press conference ni Duterte kamakalawa ng gabi ang nasabing isyu subalit hindi ito humingi ng apology dahil ang kanyang pagsipol ay bahagi ng kanyang freedom of expression.

“Napanood ko ang kanyang presscon kagabi at parang pinapalabas niya na wala siyang sexual innuendos sa kanyang ginawa kay Mariz kaya tuloy para kalakaran na ulit ang pagsipol sa mga kababaihan,” ani De Jesus.

Dahil dito, lalo umanong paiigtingin ng mga ito ang kampanya para baguhin ang kulturang ito (paninipol) dahil isang uri ito ng pambabastos sa mga kababaihan.