Kabado sa bagong coronavirus: 10-anyos pataas ‘wag munang lumabas

BINAWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang desisyon ng Inter-Agency Task Force na payagang makalabas ng bahay ang mga kabataang edad 10 pataas sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ).
Basahin : IATF may basehan ng pagluluwag sa 10-anyos pataas – Malacañang
Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabi ng Pangulo na dahil sa mga naitalang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa ilang bahagi ng bansa, hindi na muna papayagang makalabas ng bahay ang mga batang edad 10 hanggang 14.
Basahin : Mga bata, senior puwede na gumala

Ang bagong COVID variant ayon sa Pangulo ay walang pinipili at tinatamaan kahit mga bata kaya manatili muna sa bahay ang mga kabataan.
“Napilitan akong i-reimpose ‘yong 10 to 14. Not at this time. Balik ho kayo sa bahay muna. Pasensiya na po kayo. Mine is just precaution, takot lang ako kasi itong bagong strain strikes the young children,” anang Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Duterte na batid niyang sakripisyo ito sa mga magulang at sa mga anak subalit mas mahalaga aniya ang kaligtasan ng mga ito kaysa mapahamak sa bagsik ng bagong COVID variant.
“Itong medyo matanda na mahirap itong i-manage but itong 10, 11, 12, puwede na ‘yan sila sa TV. They can glue their attention sa TV the whole day,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na nag-iingat lamang ang gobyerno at nangangamba sa posibleng kahantungan ng mga bata hindi pinapalagpas ng bagsik ng bagong COVID strain ang mga may murang edad, ‘di tulad ng orihinal na COVID-19 na wala halos tinamaang mga kabataan.(Aileen Taliping)