Una sa Balita

Kababaihan, magpa-cervical cancer screening na!

0 687

Ang buwan ng E­nero ang itinakdang Cervical Cancer Awareness Month sa buong mundo upang bigyang atensiyon ang sakit na kumikitil sa napakaraming kababaihan araw-araw.

Sa datos ng Pilipinas, ang cervical cancer ay ang pangalawang top killer ng kababaihan sa bansa. Pumapangalawa ito sa breast cancer. Ayon sa Department of Health (DOH) at ang Philippine Cancer Society (PCS), mahigit pitong libong kababaihan sa Pilipinas ang nada-dignose na may ganitong karamdaman taon-taon. Sa kabuuang data, ang cervical cancer ang nasa top 6 na killer cancer disease sa parehong kasarian sa buong Pilipinas kung saan tinatayang 3,386 ng kababaihan ang namamatay mula dito taon-taon.

Ang sanhi ng sakit na ito ay ang tinatawag na human papilloma virus (HPV). Kadalasan walang sintomas ang sakit at sa tinatawag na advanced stage na lamang ito nagpaparamdam. Subalit dapat ika­bahala at magpakonsulta kaagad ang isang babae kapag siya ay dinudugo ng hindi naman niya kabuwanang dalaw o siya ay may hindi kaaya-ayang discharge.

Ang maagang detection at screening sa sakit na ito ang susi upang masugpo ang cervical cancer. Sa pamamagitan ng regular na pagpapa-pap smear ng kababaihan, ito ay maaaring makita at maiwasan kaagad. Ang kababaihang aktibo sa pakikipagtalik at ang kababaihang edad 35 pataas na hindi pa kailanman nagkaroon ng sekswal na relasyon ay pinapayuhan ng DOH na magpa-pap smear taon-taon.

May programa ang DOH para sa pap smear subalit maraming kababaihan ang hindi nagpapa-screen. Ayon sa World Health Organization (WHO) Health Survey, 7.7 porsiyento lamang ng kababaihan edad 18-69 ang nagpapa-pap smear. Ayon rin sa naturang survey, 42 porsiyento lamang sa mga ospital ang nagbibigay ng screening at early detection para sa cervical cancer.

Ang kababaihan mismo ay dapat ma­ging handa at mag-take charge sa kanyang kalusugan. Dapat nating ala­gaan ang ating mga sarili upang mas lalo tayong maging produktibo hindi lamang sa ating mga tahanan at mga trabaho kung hindi sa buong komunidad.

Para sa kababaihang na-diagnose na may cervical cancer, kasama sa tinatawag na Z Package program ng PhilHealth ang treatment para dito. Makipag-ugnayan sa PhilHealth sa inyong ospital upang makakuha nito.

Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Health, itinulak kong mabalik ang pondo para sa cancer program ng Department of Health (DOH) na nagkakaha­laga ng P150 million. Magagamit ito ng DOH sa mga gamot at panglunas sa kanser ng ating mga mahihirap na mga kababayan.

Sama-sama nating labanan ang cervical cancer sa pamamagitan ng mas malawak na screening program. Makikipagtulungan tayo sa DOH at iba pang mga non-government organization upang mas maraming kababaihan ang mabiyayaan ng libre at dekalidad na cervical cancer screening sa bansa.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy