Una sa Balita

Kababaihan gawing ligtas sa karahasan

0 366

Nagsimula nitong nagdaang lunes ang pagdiriwang ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW). Ito ang taunang paggunita upang gawing ligtas ang mga kababaihan mula sa lahat ng uri ng karahasan sa ating tahanan at lipunan. Ang karahasan sa ating mga kababaihan ay hindi lamang isang malaking problemang pangkulusugan kung hindi isang ­matinding paglabag din sa ­karapatang pangtao.

Dito sa Pilipinas, tina­tayang isa sa apat na babae, edad 15-49, ang nakaranas na ng pisikal, emosyanal o sekswal na karahasan mula sa kanilang asawa o ­ka-partner sa buhay. Ang datos na ito ay mula sa National Demographic Health Survey noong 2017 na nilabas ng Phi­lippine Statistics ­Authority.

Ang pagdiriwang ng 18-Day Campaign to End VAW, na pinamumunuan ng Philippine Commission on Women (PCW), ay sumusuporta sa mga programa ng gobyerno upang maprotektahan ang buhay at karapatang pantao ng mga kababaihan. Ang tema ng kampanya ngayong taon ay “VAW-free community starts with Me” na kaagapay ng ating pinasang batas, ang Safe Spaces Act (Republic Act No. 11313) o mas kilala bilang “Bawal Bastos Law.”

Ang tama at malawakang pagpapatupad ng batas na ito ay isang game changer sa ating lipunan kung saan ating pagtutulu­ngang wakasan ang ­kabastusan at ­karahasan sa ating mga lansangan at pampublikong lugar.

Hindi kailanman dapat tanggapin nalang basta-basta ang mga pambabastos at pananakit sa ating mga kababaihan at kahit na sinuman sa ating mga kababayan.

Dahil aprubado na kamakailan ang implementing rules and ­regulations (IRR) ng Bawal Bastos Law, ­titibay ang ating kampanya upang panagutin ang sinumang lalabag dito. Ang bagong batas na ito ay magsisilbing tulay upang mapunan ang kakulangan ng ating Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na kung saan ngayon, ang mga sexual harassment at sexual violence na ginawa ng katrabaho mo (between peers), pati na ang ginawa sa mga superior officer ng isang empleyado, o ng estu­dyante sa kanyang guro, o ng trainee sa kanyang trainer. Ako ay nanawagan sa ating pamahalaan na ipatupad ang lahat ng probisyon ng Safe Spaces Act sa lahat ng kalye, ­eskwelahan at opisina sa buong ­Pilipinas.

Dapat ay wala ng puwang sa ating demoktratiko at progresibong lipunan ang lahat ng uri ng pambabastos sa ating mga kababayan, mapa-babae man, bata o matanda, miyembro ng LGBT, maging ang mga kalalakihan.
Nais ko ring ibalita sa ating mga kababayan na ang pambabastos sa internet o mas kilala bilang online harassment ay sakop ng batas na ito.

Bawal na ito at kung sinuman ang magiging biktima ng pambabastos sa internet ay puwedeng magsampa ng kaso sa bisa ng Bawal Bastos Law.

Nais nating payuhan ang ating mga kababaihan na alamin ang ating mga karapatan sa ilalim ng batas. ­Magtulungan po tayong lahat na mawalis sa ating komunidad ang ugali ni Boy Bastos. Huwag nating hayaang maghari ang lahat ng uri ng pambabastos at ng karahasan sa ating mga kababayan.

Ang ligtas na pamaya­nan ay kaagapay ng isang malusog at ­progresibong bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy