Una sa Balita

Kaanak, nakatira sa iisang bahay, BET puwedeng umalalay sa senior, PWD – Comelec

0 984

Nilinaw ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga botante na walang pinag-aralan, naiiba, o matatanda ay maaari lamang tumanggap ng tulong mula sa mga kamag-anak, isang tao mula sa kanilang sambahayan, o ang chairperson ng Board of Election Tellers (BET) sa kanilang pagboto.

Binigyang linaw ni Comelec spokesperson James Jimenez ang isyung ito matapos silang makatanggap ng mga ulat na ang mga poll watcher ang tumutulong sa mga matatanda na bumoto sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila.

Aniya kung ito ay kanyang magkaanak, baka puwede yun, ngunit ang mahalaga ay ang relasyon nito sa botante. Kung ang botante ay walang kaugnayan sa taong nagbibigay ng tulong, ito ay kuwestiyunable, dapat lamang na imbestigahan dahil ito ay labag sa batas na panghihimasok sa botante, ani Jimenez sa isang press briefing sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Jimenez ang BET na bigyan prayo­ridad at tulungan ang mga matatanda at differently-abled persons na nanga­ngailangan ng tulong, lalo na sa mga may kahirapan nang kumilos.

Agad ibinaba ang kautusan sa kanilang mga field official upang paalalahanan ang mga Board of Election Teller upang mabigyan prayo­ridad na tulong ang mga nakatatanda.

Ayon kay Jimenez hindi sa lahat ng pagkaka­taon ay may isang bukod-tanging priority lane, ngunit tiyak ang mga guro kung nakakita sila ng mga senior citizen na nakapila, o lumapit, bigyan agad ng tulong.

“We do not have poll workers who will delibe­rately ignore persons who need help. Kung hindi ka natulungan, siguro ibig sabihin ‘di ka naka-attract ng atensyon ng taong pwedeng tumulong sa inyo. Kaya nga po ang advice namin is to go to a help desk,” diin pa ni Jimenez.