Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

K to 12 program tsugi o dedma?

0 151

Sa pag-upo sa puwesto sa June 30 nina Pangulong Bongbong Marcos at Bise Presidente Sara Duterte, malamang na kabilang sa mga aabangan ng mga tropapips nating magulang at mga estudyenteng wala pa sa kolehiyo ay kung ano ang kahihinatnan ng K to 12 program.


Sabi ni VP-elect Sara, kabilang daw sa utos sa kaniya ni Pres.-elect BBM bilang magiging bossing sa Department of Education (DepEd) ay pag-aralan kung itutuloy o tsutsugihin ang K to12 program, o ang Republic Act 10533, na kilala bilang Enhanced Basic Education Act.

Pero hindi ganung kasimple mga tropapips ang magiging pasya sa kapalaran ng K to 12 na sinimulang ipatupad noong 2012-2013 school years, na nagdagdag ng dalawang taon sa mga estudyante sa high school bago tumungtong sa kolehiyo.

Kung tutuusin, maganda mga tropapips ang intensyon ng batas. Ang maihanda ang mga HS students bago sila tumungtong ng kolehiyo. Bukod doon, sinabi ng mga opisyal na nagsulong sa K to 12, may tiyansa nang makapag-trabaho ang estudyante kapag nakatapos na ng “high school.”

Kaya lang, may mga magulang na nagtatanong kung “praktikal” bang magpaaral ng dagdag na ilang taon lalo na sa mga hikahos sa buhay dahil sa pandemic at oil price hike? Bukod doon, gaano katotoo na nakakakuha ng mga estudyanteng nakatapos ng “Grade 12,” o second year college student na sana kung wala ang K to 12?

Bagaman may nababalitaan tayong nakapagtrabaho, pero iilan lang sila, at mas marami ang hindi natatanggap. Ang dahilan, mas gusto pa rin daw ng mga kompanya at o may-ari ng negosyo na may 4 year course na tinapos ang aplikante.

Ang madalas na kompanya na nadidinig nating kumukuha ng “high grad” ay mga nasa BPO industry o mga nagiging call center worker na marunong mag-ingles o makipag-usap sa telepono.

Pero na kay VP Sara ang baraha kung papaano niya titimbangin kung dapat pa bang ituloy o itsugi ang K-12 lalo na ngayon na marami ang gipit–gaya sa transport sector o mga anak ng mga PUV drivers.

Puwede sigurong mag-request si VP Sara ng non-commission survey sa iba’t ibang kompanya gaya ng SWS at Pulse para alamin ang pulso ng mga magulang na may pinag-aaral na anak kung ano ang dapat gawin sa K to12.

Noong 2012, may inilabas na survey na nagsasabing 65 porsiyento raw ng mga Pinoy ang pabor na ipatupad ang K to 12. Pero hindi natin alam kung ang naturang survey ay ipinagawa mismo noon ng DepEd na gustong ipatupad ang K to 12.

Habang noong 2020, o pagkaraan ng walong taon, may mambabatas naman na nagsabi na batay sa ipinagawa niyang survey, 47 porsiyento ng Pinoy ang hindi satisfied sa K to 12, at 38 porsiyento ang satisfied, at 13 percent ang hindi makapagdesisyon.

May ilang tropapips tayong mga magulang ang may iba’t ibang mungkahi tungkol sa K to 12. Bakit hindi raw gawing “optional” ang K to 12? Kung may pera ang magulang at gusto nilang ihanda pa ang anak ng dalawang taon sa high school bago mag-college, why not? O kung nais ng magulang o estudyante na makapagtrabaho na agad pag-graduate ng Grade 12, why not din?

Pero kung may gusto naman na diretso na sa college pagkatapos ng 4 taon sa high school at wag nang magdagdag ng 2 taon, why not uli?

May nagpayo rin na kung itutuloy pa rin ang dagdag taon sa high school bago mag-college, baka raw puwedeng isang taon lang ang idagdag o gawing K to 11.

Pero huwag umasang agad-agad na magkakaroon ng desisyon ang bagong administrasyon kung ano ang gagawin sa K to 12. Alalahanin na isa itong batas at kung magpapasyang tsugihin ito, dadaan pa ito sa Kongreso para ipabasura. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.