Una sa Balita

K to 12 graduates: Handa sa hamon ng buhay

0 586

Opisyal pong magsasara ngayong linggo ang SY 2017-2018. Magmamartsa rin ang kauna-unahang mga graduate ng senior high school (SHS) ng K to 12 Program.

Kaya’t isang taus-pusong pagbati po ang ating ipinapaabot sa mga pioneer grad ng K to 12, gayundin sa kanilang mga magulang, mga guro at sa buong komunidad lalo na sa mga kompanyang nagbukas ng kanilang pintuan para maisakatuparan ang work immersion component ng programa.

Kasama po tayo noon sa mga umukit ng kurikulum para sa K to 12, partikular sa tech-voc track. Kumpiyansa tayong taglay ng mga magsisipagtapos ang tinatawag na ‘21st Century Skills’ o mga kasanayang magagamit para harapin ang mga hamon ng buhay.

Ilan po sa mga skill na ito ang paglutas sa mga problema, kritikal na pag-iisip, kaalaman tungkol sa mga teknolohiyang pang-impormasyon o ICT at pag-aangkop ng sarili sa bagong kalagayan o kondisyon.

Dahil sa globalisasyon, kailangang-kailangan na­ting baguhin ang istruktura ng edukasyon at training sa bansa. Ito po ang nag-udyok sa atin noong taong 2012 para itaguyod ang K to 12 sa pangunguna ng DepEd, CHED at TESDA.

Samahan po natin ang mga K to 12 graduate, bigyan sila ng pagkaka­taon at paggabay upang makahakbang sila sa mas mataas na antas ng pag-aaral, makipagsapalaran sa negosyo o maging entrepreneur at mabilis na makakuha ng matatag at magandang trabaho.

Ang paalala lang po natin sa mga bagong graduate: nakasalalay pa rin sa inyong mga kamay, determinasyon at patuloy na pagpapaunlad ng sarili ang inyong tagumpay.

Sa kabilang banda, patuloy po tayong uukit ng mga batas sa Senado na makakatulong upang makalikha tayo ng mas maraming trabaho at oportunidad dito sa loob ng bansa.

Titiyakin rin po natin na agad magtitipon ang Curriculum Consultative Committee ng K to 12 para sa ebalwasyon ng kurikulum at repinahin o linangin pa ang buong programa.

Samantala, patuloy po ang aplikasyon para sa SHS Voucher Program para sa mga Grade 10 Completer ng mga pampubliko at pribadong paaralan. Ang mga kuwalipikadong mag-aaral na papasok sa Grade 11 sa susunod na pasukan ay maaaring makakuha ng voucher o subsidy mula sa DepEd.

Job Fair Schedule

PESO-LGU Passi City/DepEd Passi City
Passi National High School
Passi City, Iloilo
April 2

Sibuyas Festival 2018 Job Fair
Bongabon Multi-Purpose Hall
Bongabon, Nueva Ecija
April 2

Oroquieta Agro-industrial School Jobs Bridging For Construction Industry
Oroquieta City, Misamis Occidental
April 5

LGU Orani Job Fair 2018
Orani Multi-Purpose Gym, Orani, Bataan
April 6

PESO Job Fair
W. Aquino, Agdao, Davao City
April 6

LGU-PESO Pilar Jobfair 2018
Pilar Municipal Co­vered Court, Pilar, Bataan
April 7

Local Government of Manolo Fortich Job Fair
New Municipal Gymnasium
Manolo Fortich, Bukidnon
April 7