Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

K to 12 graduates bilang contact tracers: tulong sa pamilya at bansa

0 513

Upang mapunan ang pangangailangan sa contact tracers, isang solusyon na isinusulong ng inyong lingkod ay ipasok ng pamahalaan ang mga K to 12 graduates sa trabahong ito.

Alam nating layon ng K to 12 kurikulum na mapadali ang pagkakaroon ng trabaho kapag nagsipagtapos na ang mga estudyante, ngunit hindi kaila na mas mahirap para sa mga bagong graduates na makahanap ng mapapasukan dahil nga sa naging epekto ng pandemya sa ating ekonomiya. Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo ng Department of Health (DOH) noong nakaraang Mayo ang pangangailangan ng 94,000 na contact tracers.

Bukod sa mga indibidwal na nagsasanay o nagtapos sa isang allied medical course, tiyak na magsisilbing malaking tulong sa laban kontra COVID-19 ang mga nagtapos ng K to 12 na mag-apply bilang contact tracers. Isang halimbawa ng gumagawa nito ay ang Estados Unidos kung saan ang ilang contact tracers nila ay hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

Base pa sa International Labor Organization (ILO), ang mga trabahong may kinalaman sa testing and tracing o T&T ay maaaring ibigay sa mga kabataan, pati na rin sa mga grupong lubos na naapektuhan ng pandemyang ito.

Ang kagandahan pa, kung bibigyan natin ng trabaho bilang contact tracers ang ating mga K to 12 graduates, hindi lamang natin sila mabibigyan ng solusyon sa mga hamong personal nilang nararanasan. Sila din ay magiging bahagi na rin ng solusyon upang makabangon ang ating bansa mula sa pinsalang dulot ng COVID-19.

Higit sa lahat, makakatulong ang oportunidad na ito sa pamilya ng mga kabataan – lalo na sa mga lubos na nangangailangan ngayong krisis.

Dahil sa pagsasara ng mga paaralan at pagbagsak ng mga negosyo, iniulat ng ILO noong Mayo na mas matindi ang naging epekto ng pandemya sa mga kabataang may edad na 15 hanggang 24.

Sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) naman noong buwan ng Enero, lumalabas na halos 17 porsyento ng mga kabataan na may edad 15 hanggang 24 ang hindi nag-aaral, nagtatrabaho at dumadaan sa training. Noong buwan ng Abril, umakyat pa ito sa 25.3 porsyento.

Talagang marami pa ang kailangang gawin ngayong nasa gitna tayo ng gyerang pangkalusugan at pang-ekonomiya.

Importante ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa upang unti-unti tayong makabangon sa krisis na dulot ng pandemyang COVID-19. #

Leave A Reply

Your email address will not be published.