Una sa Balita

K-12 grads: Ready for jobs

By
0 1,745

Ngayong Marso, magmamartsa po ang mga kauna-unahang senior high school (SHS) graduates ng K-12 Program sa buong bansa.

Inaasahan na ang mga Grade 12 graduates ay hindi lamang handa sa mas mataas na antas ng pag-aaral bagkus ay handa rin sa trabaho o job-ready lalo na po ang mga kukuha ng Technical Vocational and Livelihood (TVL) track.

Upang maisakatuparan ang layuning nakasaad sa RA 10533 o ang Enhanced Basic Education Law, nakipagtulungan po tayo noon sa DepEd sa pagbalangkas ng kurikulum sa TVL track ng K-12.

Ginamit nating basehan ang mga TESDA Training Regulations na inukit po mismo ng mga taga-industriya para matiyak ang employability ng mga K-12 graduates.

Ayon po sa Impact Evaluation Survey na ginawa natin noon, nakakakuha kaagad ng trabaho anim na buwan pagkatapos maka-graduate ang mga mag-aaral na kumuha ng tech-voc courses. Sa katunayan, halos 70% po sa kanila o pito sa bawat sampung graduates ang agad nakakakuha ng trabaho.

Subalit noong isang buwan, nagpahayag po ng pangamba ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na hilaw pa sa karanasan para sa pagtatrabaho ang ilang magtatapos ng K-12 ngayong 2018.

Bagamat hindi naman po lahat ng K-12 graduates ay patungo sa world or work dahil mayroon ding pumili sa academic track na tiyak na papasok sa kolehiyo sa susunod na school year, aminado po tayo na marami pa talagang kailangang repasuhin sa implementasyon ng K-12 at kulang talaga ang 80 oras na work immersion para lubos na makuha ng mga mag-aaral ang mga teknikal na kompitensing kailangan sa trabaho.

Sa kabila nito, tiwala pa rin po tayo na ang mga K-12 grads ng TVL track ay ready for jobs. Ito po ay kung UNA, akma ang mga TVL courses na inaalok sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa pangangailangan ng komunidad o ng mga industriya. Halimbawa, kung mag-aalok ng Housekeeping NC II ang isang SHS, dapat naman po ay may mga hotels o resorts na malapit sa paaralan kung saan maaaring makapag-training ang kanilang mga mag-aaral.

Sa Puerto Princesa, Palawan, malaking tulong sa Manamoc National High School sa isla ng Cuyo ang Amanpulo Luxury Resort sa training ng mga estudyanteng nasa TVL track. Halos lahat po kasi ng kanilang mga mag-aaral ay nakapasok sa Amanpulo para sa on-the-job training. Hindi pa man natatapos ang work immersion, may mga mag-aaral na pong nabigyan ng trabaho sa resort na ito.

PANGALAWA, makakatulong din po kung pakukuhanin ng competency assessment ang mga graduates ng tech-voc track para mabigyan sila ng National Certificates ng TESDA. Sa ngayon po kasi, optional na ipapatupad ng DepEd ang assessment para sa mga graduates ng TVL track.

Nakikipag-ugnayan po ang ating opisina sa TESDA at DepEd para matiyak na may sapat na bilang tayo ng mga assessors kapag bumugso na ang mga estudyanteng magtutungo sa mga assessment centers. Tututukan po natin ito para tiyakin na ang bawat graduate ng TVL track ay magkakaroon ng karampatang National Certificate (NC) mula sa TESDA.

PANGATLO, dapat pong magkusa ang ating mga school administrators na makipag-ugnayan sa PESO o sa mga HR Managers sa kanilang lugar at mag-organisa ng mga job fair sa loob mismo ng paaralan.