Una sa Balita

JV sumuko na?

0 537

MISTULANG sumuko na sa laban sa May 13, 2019 midterm election si re-electionist Senator JV Ejercito matapos nitong iasa sa milagro ang kandidatura sa pagka-senador.

Sa Twitter post kahapon ni JV ay isang makahulugang kataga ang kanyang binitiwan na nagdulot ng alinlangan sa kanyang mga tagasuporta.

“I would need a miracle to win a seat back,” bahagi ng post sa Twitter ni Ejercito.

Pinayuhan naman si Ejercito ng kapwa re-electionist na si Senator Sonny Angara sa kanyang pinagdadaaan.

Sabi ni Angara, isa si JV sa mga masisipag na kasamahan niya at nakikipag-ugnayan sa mga eksperto para makapagbuo ng isang matinong batas.

“Huwag kang mapagod these next few days brother. Finish strong!” ani Angara.

Dahil sa binitiwang mga kataga ni JV ay ilang netizen ang nadismaya at tinawag pa itong uto-uto kaya hindi dapat maluklok muli sa Senado.

Ginawa ni Ejercito ang hugot bunsod ng patuloy nitong pangungulelat sa mga survey sa senatoriable at pinakahuli ay ang hindi pagkakaendorso sa kanya ng maimpluwensiyang religious group na Iglesia Ni Cristo (INC).

Matatandaang inilabas ng INC ang talaan ng kanilang mga sinusuportahan sa senatorial election kung saan ay etsa-puwera si Ejercito.

Kabilang sa mga sinuportahan ng INC ay ang mga kapwa re-electionist ni Ejercito sa Senado na sina Cynthia Villar, Sonny Angara, Nancy Binay at Grace Poe.

Kasama rin sa listahan ang mga Hugpong ng Pagbabago bet na sina Taguig City Rep. Pia Caye­tano, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Jr., dating Special Assistant to the President Bong Go, ex-Presidential adviser on political affairs Francis Tolentino, ex-Philippine National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa at independent candidate na si dating Sen. Lito Lapid.

Maliban sa kawalan ng endorsement ng INC, pinaniniwalaang nakapagpahina sa kandidatura ni JV ay ang away nila ng kapatid sa ama na si Jinggoy kung saan ay lumalabas na mas maangas ito dahil sa mga patamang binibitiwan sa kadugo.

Tinalikuran din ng amang si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang kandidatura ng anak na si JV na lantarang sumusuporta sa nagbabalik sa Senado na isa pang anak na si Jinggoy.

Nagbigay din ng reaksyon si Senador Sherwin Gatchalian patungkol sa epekto ng pag-endorso ng INC sa kandidatura ng mga tumatakbo sa Senado.

Sabi ni Gatchalian, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na milyon umano ang botong masusungkit ng isang kandidatong inendorso ng INC kaya malaking bagay ito para masiguro ang panalo ng isang tumatakbong senador.

Si Gatchalian ay binitbit ng INC nang tumakbo sa Senado noong 2016 election kaya tumatag ito sa magic 12.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy