Una sa Balita

Just One More Night With You

By
0 557

Ika-7 na labas

Matapos pa ang ilang saglit na pag-uusap ay nagpaalam na ang mag-asawa sa mga magulang. Habang pasakay sila ng kotse ay sinundan sila ng makahulugang tingin ng ina ni Michael. Nasa isip nito ang isang katiyakang pinili na lang munang sarilinin.

Sa kotse.

“Grabe, hindi ko man lang nakitaan ng pagdududa ang mga magulang mo sa’yo bilang si Miguel…” naiiling na sabi ni Andrea habang nagkakabit ng seatbelt.

“Magaling kasi ako, kilala ko kasi si Miguel mula ulo hanggang paa, kung hindi nga lang sa balat niya hindi ka rin magdududa sa’kin diba?” ini-start ni Michael ang makina ng sasakyan.

“Sige ipagmalaki mo pa ‘yang galing mo sa panloloko, hindi ka ba nakokonsensya?”

“I’m just protecting Miguel, and beside poprotektahan din naman kita kahit pa hindi talaga ako si Miguel, willing naman akong gampanan ang papel niya sa buhay mo.”

“Kami ba ang gusto mong protektahan o ang sarili mong interes?”

“Grabe ka naman…”

“Ikaw ang grabe.”

Saglit na namagitan ang katahimikan habang binabagtas nila ang Roxas Boulevard. Binasag iyon ni Michael.

“Andrea, magkuwento ka naman, bored na ‘ko eh!”

“Wala akong gustong ikuwento sa’yo.”

“Yung tungkol sa balat ng kakambal ko, paano ba naging part iyon ng pagkakakilala nyo?”
“Hindi ba dapat na-orient ka na ni Miguel tungkol sa aming dalawa?”

“Actually marami siyang kinukuwento sa akin kaso hindi ako masyadong nakinig eh, I’m not sure kung may nabaggit ba siya tungkol sa balat.”

Humugot ng malalim na buntong hininga si Andrea bago muling sumagot.

“Pwes, wala kang malalalaman na kahit ano tungkol sa aming dalawa, wala kang ibang gagawin kundi samahan ako sa paghahanap sa kanya.”

Hindi sumagot si Michael. Sa isip niya, kunsabagay, wala namang mawawala sa kanya kung samahan niya man ang asawa dahil kahit pa hindi siya si Miguel ay siya pa rin ang nagharap dito sa dambana. At dati namang kung saan-saan lang siya nagpupunta.

Sa edad niyang 27, marami na siyang bansa na napuntahan, walang permanenteng trabaho, walang permanenteng kaibigan, at walang perma­nenteng girlfriend!  Sa kauna-unahang pagkakataon ay may makakasama siya sa pagta-travel. Mula sa pagkabugnot ay napalitan ang pakiramdam niya ng excitement, thrill. Sisiguraduhin niya na magiging masaya ito para sa kanya.

Related Posts

Iba naman ang tumatakbo sa isip ni Andrea habang nakatanaw sa labas ng car window. Alam niyang may alam si Michael, pero kung hindi niya ito mapipiga na sabihin sa kanya ang kinaroroonan ni Miguel, kakaladkarin niya ito sa paghahanap ng karayom sa gitna ng makapal na dayami.

Sisiguraduhin niya na makakarating siya sa kinaroroonan ni Miguel kapag napasuko na niya si Michael. Kahit pa hindi na active ang mga account nito sa internet, pati ang cp number. Gagawin niya ang lahat hanggang sa matagpuan niya ito.

Eroplano. Napansin ni Michael ang pamumutla ni Andrea.

“Andrea, are you okay?”

Tumango ang babae. Pinakiramdaman ito ni Michael. Sa tingin kasi niya ay para itong masusuka.

“Honey, ilang beses ko nang napanood sa t.v. at pelikula ‘yan ha, ‘wag mo nang gagawin…”
“Don’t call me honey!” sabay irap ni Andrea dito.

“Sa ayaw at sa gusto mo, ako na ang honey mo.”

Biglang umakto na si Andrea na mapapasuka sa kandungan ng lalaki.

“W-W-WAIT!” buong taranta na may pag-aalala namang nasambit ni Michael.

“Joke lang!” seryoso ang tinig ni Andrea at walang ngiti na rumehistro sa labi.

“Joke daw… hindi naman nakakatawa…” inis na bulong ni Michael.

Nakarating sila sa una nilang destinasyon. Sa bahay ng Aunt Jane ni Lora. Sinalubong sila ng 65 years old na babae. Ine-expect na nito ang pagdating nila.

“ANDREA! You are just a teenager the last time you visited here with Lora, remember? But now look at you, a beautiful woman!” Tuwang-tuwa ito nang makita siya. Agad namang yumakap si Andrea sa matanda.

“Thank you Aunt Jane, I remember everything, specially you and Uncle James!”

“Yeah, he’s in Japan right now, and he will be back soon.”

“Gano’n po ba, by the way Aunt Jane, s-si Miguel po, husband ko.” ayaw din ni Andrea na malaman ng matanda ang tungkol kay Michael kaya ipinakilala niya ito bilang si Miguel.

“Good morning po Aunty Jane, it’s nice to see you!” bati ni Michael.

“Nice to meet you hijo! Come inside!”

Sumunod ang mag-asawa sa matanda. Pero bago makapasok sa loob ng bahay ay palihim na winar­ningan ni Andrea si Michael. (Itutuloy)