Una sa Balita

Just One More Night With You

By
0 557

Ika-6 na labas

“Kung meron mang baliw dito, ikaw ‘yon, dahil pinasok mo ang gulong ito nang hindi ka nag-iisip!”

“Okay sige, call me baliw, siraulo or whatever you want to, pero ang pumunta sa America, hindi ko mapapayagan ‘yon!”

“Correction, hindi ako nagpapaalam sa’yo, inuutusan kita na samahan mo ako kung saan mang lupalop sa America nakikipagkerengke­ngan ang asawa ko!”

“Correction din Mrs. Andrea Mendoza Avelino, ako ang asawa mo dahil sa akin ka ikinasal kaya wala kang hahanapin na asawa sa ibang bansa.”

Tumayo si Andrea at pinukpok ang mesa.

“Sasamahan mo ba ako sa America o sasamahan mo ako sa bahay ng mga magulang niyo para ireklamo ang ginawa ninyong panloloko sa akin ni Miguel?”

Natigilan si Michael. Para siyang dagang nakorner ng mabagsik na pusa.

“Okay… sa America tayo…” mahina niyang tugon.

“Pansamantala, doon muna tayo tutuloy sa aunty ni Lora.” Ani Andrea habang iniimpake ang mga gamit.

“Wait, kailangan ba talaga nating gawin ito asap?” naiiling na tanong ni Miguel na nakasandal sa pintuan ng kuwarto.

Huminto si Andrea sa ginagawa at iritableng tumingin sa lalaki.

“‘Wag kang mag-alala, kumpleto ang dokumento ko… gusto kong makita, with my own tantalizing eyes ang asawa ko, at gusto kong sabihin niya sa harapan ko mismo kung paano nangyari ang lahat!”

“I already told you about it, hindi ka pa ba kuntento ro’n? saka isa pa, sobrang laki ng America, 100% sure ako na mahihirapan tayong hanapin siya!”

“Bakit hindi mo ibigay sa akin ang contact niya para ako mismo ang magtanong kung nasaang lupalop siya ng America?”

Napakamot sa ulo si Michael.

“Sa tingin mo ba sasabihin talaga niya? Andrea mahirap hanapin ang tao na nagtatago…”

“Well, if that is your point bahala ka, kung kinakailangang maubos ang buhay ko sa paghahanap gagawin ko, matagpuan ko lang siya.”

“And then what? Babalik ba siya sa’yo?”

Natigilan si Andrea. Ang sakit-sakit isipin kung ano nga ba ang patutunguhan ng mga plano niya. Pero bahala na, basta wala siyang ibang gustong gawin ngayon kundi ang hanapin si Miguel. Si Miguel na hindi niya maalis sa puso niya sa kabila ng lahat. Babawiin niya ito sa Louis na ‘yon, kahit ano pang mangyari, kahit sa ano pang paraan!

“Alam ko na, sa California tayo mag-uumpisa!”

“Teka, bakit doon?” nagtatakang tanong ni Michael.

“Alam kong hindi siya maglalagi sa New York dahil alam kong may bahay kayo doon… pero minsan nabanggit niya sa akin na gusto niya ang California…” tumingin pa sa nakabukas na bintana ng silid si Andrea.

“Hmm… California…”

Related Posts

“Michael, please, sabihin mo na lang sa’kin kung nasaan si Miguel para hindi na tayo mapagod!” baling nito sa lalaki.

Lumapit si Michael sa babae.

“Andrea, gagawin ko talaga ‘yon kung alam ko dahil ayoko ring magpagod sa paghahanap sa kanya, pero hindi ko talaga alam, siguro pinaghandaan din niya ang ganitong sitwasyon na baka maipit ako kaya nag-decide siyang hindi sabihin maski sa akin!”

Nalungkot si Andrea. Pero hindi sapat ang kalungkutang iyon para panghinaan siya ng loob. Itutuloy pa rin niya ang plano niya at sa ayaw at sa gusto ni Michael ay idadamay niya ito sa kasawian niya.

Bago sila lumipad patungong America, pinuntahan nila ang mga magulang ni Michael para magpaalam sa mga ito. Sa malawak na salas ng mga Avelino kinausap sila ng mag-asawa.

“Talaga bang sa America niyo gustong mag-honeymoon?” malungkot na tanong ni Mrs. Avelino.

“Yes mom.”

“E saan naman sa America?”

“Sa New York po!” si Michael.

“Sa California po!” si Andrea.

Sabay ang pagsambit nila ng kanya-kanyang sagot kaya’t nagkatinginan ang matandang mag-asawa.

“Saan ba talaga?” sabay ding tanong ng mga ito.

“A, mom, pareho po naming gustong puntahan, si Andrea po kasi may kaibigan siya sa California.” Paliwanag ni Michael na palihim pang siniko ang asawa.

“Oo nga po, actually balak po naming libutin ang 50 states ng America kung magkakasya ‘yung time namin!” biro pa ni Andrea.

Hindi naman siya nabigong pangitiin ang matatanda.

“Bweno, yaman din lang na hindi na namin kayo mapipigilan, e ‘di sige, mag-ingat na lang kayo sa lahat ng balak ninyong puntahan, sana lang pag-uwi niyo e tatlo na kayo!” nakangiting bilin ng matandang babae.

“Tatlo?” halos sabay na tanong nina Michael at Andrea.

“Ang ibig sabihin ng mommy niyo eh, sana magka-baby na kayo asap, kasi gusto naman naming makasama ang apo namin bago kami mawala sa mundo, aba’y line of 7 na kami, sa iyo lang kami may pag-asa Miguel, alam mo naman ‘yung kakambal mong si Michael, wala yata sa bokabularyo no’n ang salitang pamilya.”

Napatingin si Andrea kay Michael. Alam niya at naramdaman niya na nasaktan ito sa sinabi ng mga magulang. At sa sinabi rin ng mga ito ay nagsimula siyang mag-alala, naalala kasi niya ang nangyari sa kanila ni Michael sa unang gabi nila at may posibilidad na magbuntis siya. Sana naman ay hindi!

“O bakit parang pareho kayong natigilan, wala pa ba kayong balak mag-anak?” si Mr. Avelino.

“No dad, actually balak nga po talaga na­ming buuin sa America ang first baby namin, ‘di ba Andrea?”

“H-ha?”

Muling siniko ni Michael ang asawa.

“O-oo po, I mean yes po, ganon nga po.” Napilitang isagot ni Andrea. (Itutuloy)