Una sa Balita

Just One More Night With You

By
0 557

Ika-29 na labas

“No, all I want now is your happiness. Alam kong hindi naging maganda ang simula ng lahat ng ito, pero malinaw kong narinig sa’yo na mahal mo na rin siya and I’m sure ganoon din si Michael sa’yo… pero nakikita kong nahahadlangan ng mga plano mo ang pag-ibig sa pagitan ninyong dalawa.

Ayoko lang na maranasan mo ulit na masaktan o kahit ang kakambal ko.”

“You know what, naiintindihan ko ang concern mo, pero hindi gano’n kadali na magpasya kung ang mga taong involve ay mga mahal mo sa buhay, okay mahal ko si Michael pero mahal ko rin ang uncle ko at nangako ako sa kanya at kung talagang mahal ako ni Michael maghihintay siya, maiintindihan niya ang responsibilidad ko sa trabaho ko.”

Dumating ang waiter dala ang mga inorder nila.

Pag-uwi sa bahay ay naabutan nila si Michael na may kausap sa cellphone, nakatalikod sa kanila at nakaharap sa terrace.

“Bakit ba kailangan n’yo pa akong tawagan alam n’yo naman na naka-leave pa ko diba?” mataas ang boses ni Michael. Hindi nito namalayan sina Andrea at Miguel sa likuran.

“Next time ayoko nang iniistorbo n’yo ako kapag wala ako sa trabaho!”

Nagkatinginan sina Andrea at Miguel. Napa-second look si Michael nang maramdaman ang presesnya nila. Pinatay nito ang cellphone.

“Nandiyan na pala kayo.”

“Michael, I’m sorry to say this but… ang mga tauhan ko, sanay na tinatawagan ako maski naka-leave ako, when it comes to work, it doesn’t matter where I am or what I am doing.”

“Talaga? I can’t believe this!” sabay talikod ni Michael at saka dumiresto sa kuwarto nila ni Andrea.

Sinundan ni Andrea ang asawa.

“Michael, dapat alam mo kung ano ang responsibilidad mo sa trabaho, hindi mo pati dapat pinagtataasan ng boses ang mga tauhan mo.”

“First of all, hindi ko trabaho ‘yon, secondly hindi ko sila mga tauhan, at higit sa lahat wala akong responsibilidad sa trabaho na ‘yon!”

“What? Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Simula nang makipag-deal ka sa kapatid mo kasama na doon ang lahat ng responsibilidad niya, at babalikatin mo ang mga ‘yon sa ayaw at sa gusto mo!”

“No, pagod na ako Andrea, pagod na akong gampanan ang mga tungkulin na hindi naman akin!”

Related Posts

“Pagod ka na rin bang maging asawa ko?”

Natigilan si Michael. Hindi siya nakasagot. Alam niya sa sarili niyang mainit lang ang ulo niya kaya niya nasabi ang mga ‘yon.

“O-of course not… sa lahat ng mga responsibilidad na ipinasa sa akin ni Miguel, ikaw lang ang tinanggap ko ng buong puso, alam mo na ‘yan Andrea.”

“Kung talagang tinatanggap mo ako sa puso mo, dapat maintindihan mo rin na hindi lang iikot sa apartment na ‘to ang buhay natin bilang mag-asawa. May mga responsibilidad tayong dapat din nating tanggapin, kasama na roon ang mga trabaho natin.”

“Okay fine, kung hindi na talaga kita mapipigilan, just go!” sabay labas ni Michael sa silid.
Napabuntong-hininga si Andrea sa naging sagot ng lalaki.

Nilapitan ni Miguel si Michael nang makita niya itong palabas ng kuwarto.

“Michael, I’m sorry… pero desidido na siya.”

Hindi kumibo si Michael. Sa halip ay umalis ito ng apartment.

Lumalalim na ang gabi pero hindi pa rin makatulog si Andrea. Hindi pa kasi bumabalik si Michael. Nagtatalo ang puso’t isipan niya tungkol sa bagay na pinagtalunan nila. Pero tutol man ang puso niya ay desidido pa rin siya na bumalik sa New Zealand para tuparin ang ipinangako niya sa uncle niya.

Dahil hindi mapakali ay napilitang bumangon si Andrea. Lumabas siya ng kuwarto.

Naabutan niyang nakatayo sa harap ng pintuan ng apartment si Miguel.

“Hindi ka rin ba makatulog?” tanong nito sa kanya nang malingunan siya.

“Hindi pa bumabalik si Michael, pinag-aalala na naman niya ako.”

“Tinatawagan ko ang phone niya pero naka-off.”

Sumandal sa pintuan si Andrea at tumanaw sa malayo.

“Matulog ka na Miguel, ako na lang ang maghihintay sa kanya.”

“Sasamahan na lang kita.”

“Buti pa, hanapin na lang natin siya?”

“Andrea, hatinggabi na, kung gusto mo ako na lang ang maghahanap sa kanya?” (Itutuloy)