Una sa Balita

Just One More Night With You

By
0 564

Ika-18 na labas

Nanatiling walang kibo ang babae.

“Okay fine, kung ayaw mo ‘wag mo! I’m leaving!”

Iyon na ang huling narinig ni Andrea . Pero hindi siya natinag. Sa halip ay inihanda niya ang sarili sa pagtulog. Nagpalit siya ng damit at walang pakialam na ibinagsak ang katawan sa kama. Ilang minuto na ang lumipas subalit nakadilat pa rin siya.

“Nakakainis, bakit ba kailangan kong makonsensya? Kulang pa nga iyon sa paghihirap ng kalooban ko…”

Hindi siya nakatiis. Tumayo siya para silipin ang asawa. Napakunot-noo siya nang makitang wala ito sa sofa.

“Mukhang tinotoo ng baliw na ‘yon ang sinabi niya ah!”

Dali-dali siyang lumapit sa bintana at doon naman sumilip. Napatingin siya sa kotse.

Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nandoon ito sa loob, nakasandal at nakapikit.

Pero hindi pa rin makuntento ang konsensya niya na nakita na niya ito…

“Naku naman…”

Bumalik siya sa kuwarto. Nahiga nang patagilid at tinakpan ng unan ang mukha.

“No Andrea, hindi mo siya dapat kaawaan…hindi…hindi…hindi…”

Biglang bumalikwas ang babae.

“Hindi ko talaga siya matitiis!”

Kinuha niya ang kumot at lumabas kung saan nandoon si Michael. Nakapikit pa rin ito na sa palagay niya ay nakatulog na. Marahan niya itong kinumutan. At saka bumalik sa silid.

“Siguro naman okay na ‘yon…patutulugin na siguro ako ng konsensya ko…”

Kinabukasan ay nakipagkita si Andrea kay Lora sa restaurant nito.

“O ano nakatulog ka ba ng maayos, bakit hindi ka pumasok?” tanong ni Lora habang tumutulong sa kitchen. Nakatayo sa tabi niya si Andrea.

“Rest day ko…hindi ko alam kung ano itong pinasok ko…naiinis ako, galit ako, pero bakit hindi ko siya matiis?”

Huminto si Lora sa ginagawa at tumingin sa kaibigan.

“Si Miguel pa ba itong pinag-uusapan natin o si Michael na?”

“Si Michael…sa totoo lang pagkatapos kong makita si Miguel sa piling ng iba…at sa lalaki pa…yung sobrang pagmamahal ko sa kanya, yung lahat rin ng galit ko, parang binuhusan ng malamig na tubig…”

“So, kaya si Michael na ang lovabets mo nga­yon?”

“Excuse me, ang sabi ko hindi ko lang siya matiis, pero wala akong sinabi na …mahal ko na siya…”

“O ‘yan kasasabi mo lang! saka isa pa, naibigay mo na ang sarili mo sa kanya, kaya lubus-lubusin mo na!”

Pinameywangan ni Andrea si Lora.

“Teka nga muna bff, kakampi pa ba kita?”

“Oo naman Andrea 100%, ang sa akin lang kung hindi mo kayang tiisin e di take him na lang!”

Hindi sumagot si Andrea.

Related Posts

Lihim namang nangi­ngiti si Lora. Kabisado niya ang kaibigan. Hindi man nito sabihin, alam niya ang iniisip nito.

Balak sana ni Andrea na kina Lora matulog pero hindi pa siya nakakaalis ng restaurant ay nandoon na agad si Michael. Inginuso ito ni Lora sa kanya nang makita ito ng huli habang pumapasok sa restaurant. Magkatabi silang nakatayo sa counter.

Hindi lumapit si Michael sa magkaibigan, sa halip ay naupo ito sa isang bakanteng mesa na para sa dalawa.

“Hmm, ano bang ba­lak ng jowa mo, maging bodyguard mo?” natatawang tanong ni Lora.

Inis na nilapitan ni Andrea ang lalaki. Pabagsak niyang inilapag ang dalawang kamay niya sa mesa.

“Ano na naman bang pakulo mo Michael?”

“Teka, ba’t ang init agad ng hininga mo, gusto ko lang kumain dito.”

“Talaga? o sinusundan mo ako?”

“Honey, wala naman sigurong masama kung sundan ko ang asawa ko saan man siya magpunta diba?”

Napalinga si Andrea nang mapansin na nakakakuha na sila ng atensyon sa mga customers ng restaurant. Naupo siya at hininaan ang boses.

“Stop doing this Michael, ayoko nang makasama ka, ano bang hindi mo maintindihan doon?”
“I am still your husband.”

“Pwes gusto ko nang makipaghiwalay sa’yo, mag-pa-file ako ng annulment as soon as possible!”

“Not now Andrea, malapit na ang birthday ng mommy ko, and she expected us to be there…”
Natigilan si Andrea. Hindi lang naman ang mommy ni Michael ang inaalala niya, kundi ma­ging ang mga sariling magulang na nasa probinsya. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya mabibigo saan mang aspeto ng buhay niya. Sa trabaho at lalong-lalo na sa pagpapamilya.

Kaya ang annulment na iniisip niya ay siguradong isang ma­laking kabiguan na hindi niya yata makakayang iharap sa mga magulang.

Nang bumalik si Andrea sa tabi ni Lora ay napansin nito ang kawalan niya ng kibo.

“Andrea, hindi naman sa itinataboy kita, pero mas mabuti kung doon ka na muna uuwi sa apartment nyo ni Michael, pag-isipan mo munang mabuti kung ano ba talaga ang gusto mong mangyari and then saka ka magdesisyon, yung desisyon na hindi mo pagsisisihan sa huli.”

“Salamat bff, siguro nga tama ka. Magulo pa talaga ang isip ko ngayon, maski sa trabaho hindi ako makapag-focus.”

“So pa’no, okay na ba sa’yo yung advice ko?”

Hindi sumagot  si Andrea pero marahan siyang tumango, sabay lingon kay Michael na nanatiling nakaupo sa table habang iniinom ang inorder na juice. Nakatingin din si Michael sa kanila. At hindi niya mabasa kung anong naglalaro sa isipan nito.

Gabi.Hindi makatulog si Andrea. Parang naalinsanganan siya sa panahon. Kaya naman panay biling niya. Nakahiga sa tabi niya si Michael pero may mga unan na nakaharang sa pagitan nila.

Gising pa rin ang lalaki. At naiirita ito sa kalikutan ng babae.Kaya hindi na ito nakatiis at humarap ito kay Andrea.

“Honey, ‘wag mong idaan sa kalikutan mo ang pagpapansin mo sa’kin, if you want me to make love with you again, then ask for it.” Panunudyo ni Michael.

Galit namang humarap sa kanya ang asawa.

“Excuse me, hindi na mangyayari ulit ‘yon!”

“Why not? We’re just human.”

“Baliw! Matulog ka na nga!” sabay talikod ulit ng higa ni Andrea.

Niyakap ni Michael ang unan na nakapagitan sa kanila.

“Mabuti pa itong unan malambot, hindi tulad ng puso mo, matigas.” Matigas ding pagkakasabi ng lalaki.

Hindi kumibo si Andrea pero hindi niya naiwasang mangiti sa sinabi nito.

Lumipas ang mga araw na malamig ang pakikitungo ni Andrea kay Michael. Plano nga niyang pumayag na lang sa request ng Uncle Tommy niya na siya ang maipadalang representative sa company nito sa New Zealand. Pero pinag-iisipan pa rin niya ng husto. Kasi kung papayag siya, siguradong matatagalan siya doon.

Iyon naman ang gusto niyang mangyari, ang magkaroon ng bagong ambiance, atmosphere, mga bagong kakilala at higit sa lahat, bagong pagkatao. Gusto niyang makalimutan totally ang Andrea na nasaktan ng husto. Mabibigyan din niya ng reason ang pagkakalayo nila ni Michael. (Itutuloy)