Una sa Balita

Just One More Night With You

By
0 557

Ika-13 na labas

Pero inaalala rin niya ang kasunduan nila ng kakambal. Mas matimbang pa rin sa kanya ang mala­king halaga na naka-deposit sa bank account niya at ang kalayaan ni Miguel.

Bukod doon ay gusto pa niyang makasama si Andrea, baka kasi totohanin nito ang sinabi na matapos lang ang paghahanap na ito ay kakalimutan na nito ang lahat kabilang siya.

At ayaw niyang mangyari agad iyon. Kung anong dahilan, hindi niya pa sigurado. Baka nga nagugustuhan na niya ng totoo ang asawa.

Habang naglalakad sila sa isang estrangherong kalsada ay pilit pinipigilan ni Andrea ang pagpatak ng mga luha niya. Gusto na kasi niyang sumuko. Pero sa tuwing maiisip niya si Miguel ay lumalakas ulit ang loob niya. Buti na lang at biglang bumuhos ang ulan. Naunahan ng pagpatak nito ang mga luha niya.

“Andrea, tara doon tayo!”

Maagap siyang hinawakan ni Michael sa kamay at tumakbo sila sa pinakamalapit na masisilungan. Pero ang pinakamalapit ay hindi sapat para hindi sila mabasa ng ulan.

Sa isang waiting shed sila sumilong. Napansin ni Michael na tila nilalamig si Andrea. Hinubad niya ang coat niya at inilipat dito.

“Thank you.” Halos pabulong na sabi ng babae.

“Pagtila ng ulan, umuwi na muna tayo.”

Hindi sumagot si Andrea. Kahit nakasilong sila sa waiting shed ay nababasa pa rin sila dahil nadadala ng malakas na hangin ang ulan.

“Andrea, tutal naman basa na rin lang tayo, bakit hindi na lang tayo maligo sa ulan, habang pauwi?”

“Kunsabagay… pwede…”

Muli ay hinawakan ni Michael ang kamay ni Andrea at sabay nilang sinalubong ang malalaking patak ng ulan. Para silang mga batang nagtampisaw sa basang kalsada kaya naman pansamantalang nalimutan ni Andrea ang mabigat na damdamin.

Hindi sinasadyang nadulas siya at hindi naagapan ni Michael ang pagbagsak niya sa sementadong daan. Pero maagap naman siyang nilapitan nito.

“Okay ka lang?”

“Mukha ba akong okay?”

“Alam mo, I remember this, nangyari na rin ito nu’ng unang gabi natin, ‘di ba?”

“So, what are you thinking?”

Hindi na sinagot ni Michael ang tanong ni ­Andrea, sa halip ay mabilis niya itong binuhat.

“Michael, ibaba mo nga ako!”

“No!”

“Ibaba mo na’ko please, saan mo ba ako dadalhin, kaya kong maglakad!”

“Bubuhatin kita hanggang sa apartment at hanggang sa loob ng kuwarto natin!”

“NOOO!” tili ni Andrea.

Gabi. Magkatabing nakasalampak sa sahig at nakasandal sa gilid ng kama ang mag-asawa. Nasa tabi nila ang iniinom na wine at mga pulutang sadyang inihanda.

“Tingin mo ba, makikita natin sa lugar na ‘to si Miguel… or doon naman kaya tayo maghanap sa Texas or sa Cassanova, sa Mexico kaya, o baka pwede rin sa New York?” suggestion ni Andrea na medyo lasing na.

Related Posts

“Pwede ba, ‘wag na lang natin siyang hanapin… enjoy-in na lang natin ang bakasyon natin together, magliwaliw tayo, mag-honeymoon, gawin ang lahat ng gusto nating gawin!”
Binatukan ni Andrea si Michael.

“Sira ka talaga! Kunsabagay, iyan lang naman talaga ang gusto mo sa buhay mo eh… magkaibang-magkaiba talaga kayo ni Miguel… ang mga pangarap niya, sobrang taas… kaya nga sa sobrang taas hindi ko na siya matanaw ngayon…”

Ininom ni Michael ang laman ng baso niya bago muling nagsalita.

“Wake up, Andrea, wala na si Miguel sa buhay mo, ako nandito sa tabi mo…”

“Ano naman ang ibig mong sabihin? Alam mo… hindi porket nakasal tayo e, akin ka na at iyo na ako, hindi gano’n, ‘di ba?”

“Okay, sabi mo eh…”

Si Andrea naman ang uminom ng wine sa baso niya. Pagkainom ay inisa-isa niya ng tingin ang ilang bote na ng wine na naubos nila.

“Pangatlo na pala itong iniinom natin, bakit parang hindi ko maramdaman o baka naman namamanhid na talaga ang puso ko?”

“Sige, hugot pa…”

“Hindi naman ako nagbibiro… hindi ko na yata makakayang magbiro… ang sakit-sakit na dito…” sabay turo ni Andrea sa puso niya.

Natigilan si Michael at saglit na napatitig sa babae.

“Kaya mo pa ba?” mahinang tanong ni Michael.

Ilang saglit ang pinalipas ni Andrea bago sumagot.

“Ewan ko… kakayanin ko… hanggang sa mapagod ako… hanggang sa sumuko na ako…”
Hinawakan ni Michael ang kamay ni Andrea na nakahawak sa bote ng alak.

“Tutulungan kita…”

“Tulong? Kung gusto mo talaga akong tulungan, sana noon mo pa ginawa… pero hindi ‘di ba… ayaw mo, ayaw mo kasi siguro may dahilan ka… okay, fine, kahit hindi ko naiintindihan sasabihin ko pa rin na naiintindihan kita…” sabay bawi ni Andrea sa kamay niya.

Maya-maya pa ay napansin ni Michael ang pagpatak ng luha ni Andrea na agad namang pinahid ng huli.

“Mahal na mahal mo talaga siya, no?” naisip itanong ni Michael.

“Obvious ba? Siya ang lalaking pinangarap ko… ang minahal ko nang totoo at nagmahal din sa akin, hindi nga lang totoo…”

“Puwes, hindi na natin maibabalik ang kahapon, it’s done… kaya kung ako sa’yo move on ka na lang…”

“Move on?… may point ka diyan, pagkatapos ng lahat ng ito, ituturing ko na lang na isang masamang panaginip ang lahat, isang bangungot na kailangan kong kalimutan…kaya pagbalik natin ng Pilipinas, gusto kong magkanya-kanya na tayo… palabasin na lang natin na kailangan nating maghiwalay dahil marami pala tayong differences…”
“Paano kung ayoko?”

Nagulat si Andrea at napatingin sa lalaki.

“Anong sabi mo?”

“Paano kung ayoko na magkahiwalay tayo?”

Hindi makasagot si Andrea. Natulala siya.

Isang magandang pagkakataon iyon para kay Michael. Unti-unti ay inilapit nito ang mukha niya sa babae. Marahan at buong suyong inilapat niya ang labi sa labi nito.

Hindi tumanggi si Andrea. Hindi niya alam kung bakit. Daig pa niya ang nahihipnotismo. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naglapat ang labi nila dahil nga may nangyari na sa kanila pero pakiramdam niya ay ito pa lang ang una. At tila napakatamis niyon. Mas matamis sa unang halik nila ni Miguel… And once again, she gave herself to the stranger in her heart.

Hindi naman maikakaila ni Michael sa puso niya na gusto na niya si Andrea. Gustung-gusto. At tila ba hindi na niya makakayang mawala pa ito sa buhay niya. Kaya ngayong gabi, aangkinin niya ito, hindi gaya nu’ng una na may ibang dahilan, kundi may kasama nang puso. Hindi na siya basta naaakit lang sa katawan nito kundi sa buo na nitong pagkatao. (Itutuloy)