Una sa Balita

Julie Anne kulang sa kilig, hirap mag-ala-Sharon, Regine, Sarah

By
0 1,689

Kailangan lang talaga ni Julie Anne San Jose ang hit, hit song na identified sa kanya para tumaas pa ang status niya bilang singer. Naging sandata ‘yan ni Sharon Cuneta nu’ng nagsisimula pa lang siya kaya naman nu’ng isabak na siya sa pelikula, mega-hit agad ang Dear Heart debut film niya.

Eh, nagkaroon pa si Shawie ng ka-loveteam na isang Gabby Concepcion na kahit mas maganda sa kanya eh kinagat ng publiko sa mga pinagsamahan nilang movies gaya ng sumunod na P.S. I Love You, My Only Love at marami pang iba.

Kahit wala nang masyadong hit songs, naririnig pa rin sa radio at paboritong kantahin sa videoke ang Sharon songs na Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, Sana’y Wala Nang Wakas, To Love Again, Pangarap na Bituin at Bituing Walang Ningning.

Sa parte naman ni Regine Velasquez-Alcasid, sinugalan din siya ng Viva Films sa mga unforgettable movies to think na pumapalo na siya bilang concert artist, huh! Hanggang sa nag-swak sa kanya ang remake ng pelikulang Wanted: Perfect Mother at pumatok sa publiko ang theme song nitong You Are My Song.

Isinabak siya sa romantic-comedy movies kapareha sina Richard Gomez at Robin Padilla na sinamahan ng theme song na siya ang kumanta. The rest is history. Full-pledged singer-actress nang maituturing ang tinaguriang Asia’s Songbird.

After Sharon and Regine, sumunod na si Sarah Geronimo. Nabigyan siya ng hit song na nagmarka sa publiko. Isinalang siya sa ilang movies pero hindi agad nabigyan ng lead starrer. Hanggang sa dumating ang isang John Lloyd Cruz na nagbigay-daan upang maging isa siyang certified box-office singer-actress.

Of course, may mga hit song naman si Julie Anne. Hindi nga lang ito masyadong naririnig sa radio kumpara noong nakaraang mga dekada. Mga kantang saan ka man pumunta eh, either kinakanta ng bawat tao o di kaya’y hina-hum.

Suportado naman siya ng GMA Network at recording company habang patuloy rin siyang binibigyan ng TV series gaya nitong latest niyang My Guitar Princess.

Pumatok din sana ang theme song ng series pati na ang partnership niya kina Kiko Estrada at Gil Cuerva.

Sa ngayon, walang rin siyang ka-loveteam na maituturing na kanyang-kanya. After Elmo Magalona, wala nang sumunod.

Bata pa siya kaya kailangang magkaroon siya ng ka-loveteam na maghahatid ng kilig kahit hindi marunong kumanta!

Eh, alam naman ninyo ang sistema sa showbiz na umiiral pa rin ang hanggang ngayon, kailangan pa rin ng kapareha ang gaya ni Julie upang tumibay ang fan base niya at lumawak pa ang following niya.

Kumbaga, kailangan ng lalaking magkakaroon ng chemistry sa mga fan nang sa gayon, makapagbigay sila ng kilig!

Timing? Tamang panahon? Hawak lang, Julie Anne, at mapapahanay ka rin sa liga ng mga singer-actress gaya nina Sharon, Regine at Sarah!

Kumpletos rekados ka naman pagdating sa ganda at talento!