Una sa Balita

‘Judgmental?’

0 259

Madalas mag-trend sa Twitter ang segment ng isang TV variety show na ang format ay paghatol ng guest “judge” batay sa nakikita o naririnig, itsura o kilos ng pitong tao sa kanyang harapan na roon nya lamang nakilala.

Minsan ay seryoso ang mga tanong at pagkilatis. Minsan naman ay parang nanghuhula lamang ang “judge” dahil hindi niya talagang lubusang kilala ang taong hinuhusgahan niya.

Nai-feature na sa segment na ito ang mga house husband, taong nagbenta ng kanilang kidney, mga lalaki na “nag-out”, persons living with HIV at iba pang napapanahong isyu.

Sa pagputok ng Bulkang Taal, lumabas muli ang mga judgmental.

Sa paglikas daw ay bakit kailangang iwanan ang mga alagang hayop? Sa totoo lang ay mahirap na tanong ito. Sino ba ang dapat u­nang sagipin bukod sa sarili?

Napuntusan din ang mga artista. Mayroon daw mga artista na halip na tumulong ay nagpa-party pa kasama ang kanyang fans at hindi man lamang daw nag-abala na dumalaw sa mga evacuation center kumpara sa isang artista na mabilis na umaksyon kung mayroong kalamidad.

Ayon naman isang grupo, pakitang-tao lamang ang pag-post sa social media ng relief giving ng mga artista o politiko at para lamang sa publicity o para masabi ng madla na mabait at marunong makipag-kapwa tao ang idolo ng masa.
Ang kagandahang loob at kabayaninan, ano mang paraan, ay isang bagay na dapat ipagdiwang, ‘di ba?

Saan nga ba lalagay ang tao sa gitna ng mapang­husgang mundo?
Walang perpekto. Tao lang tayo sabi nga pero maaaring tumaas ang ating self-awareness para labanan ang pagiging judgmental.

Sa una, nakita natin ang ginawa ng taong nakasalamuha na natin — kaibigan o kamag-anak — nainis tayo, nawalan ng gana at hinusgahan natin. ‘Di na natin inunawa at inalam ang puno’t dulo. Walang komunikasyon. Putol agad ang linya. Ayun, wasak ang pagkakaibigan o pagsasama.

Sa pangalawa, walang tayong pagkakakilala sa tao kaya wala rin tayong alam sa nangyari at hindi natin alam ang dahilan bakit naging ganoon ang reaksyon nya sa isang sitwasyon.

Paano ba naiwasan ang pagiging judgmental?

Obserbahan ang sarili. Bago pa man maging judgmental ay pigilan na madala ng emosyon o sa sitwasyon. Magkaroon ng mataas na malay-tao. Iwasan na mag-isip nang mabilis. Gamitin din ng puso at rason. Pakiramdaman ang sarili.
Mahirap ito sa simula pero puwedeng ma-practice ito. Kung mataas ang awareness level ay mahihinto ang pagi­ging mapanghusga.

Lawakan ang pang-unawa. Huwag basta mag-“assume”.

Mag-isip ng magagandang bagay araw-araw. Always see the good in people. Maiiwasang makasakit ng damdamin ng iba kung nakahanda ang iyong puso na magbigay ng maayos na pagbati sa itsura, aura at porma ng isang tao o papuri sa magandang ugali ng kakilala o katrabaho.

Piliin ang mga laban sa buhay. Nakakapagod at nakakaubos ng lakas ang pagiging mapanghusga.

Kung mayroong katanungan ukol sa Life Coaching o mayroong kuwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o mag-text sa 0917-533-2322.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More