Una sa Balita

Juday nagpa-cute kay Piolo

0 545

Mukang nangangamoy Judy Ann Santos at Piolo Pascual movie na, ha! Aba, super react na naman, at todo shout out na ang mga fan ng dalawa na magsama na ito sa pelikula, dahil sa video na lumabas na nag-uusap sila, with matching holding hands pa, ha!

Actually, ang eksena nga sa backstage, makikita si Juday na malapit sa pinto, na feeling security guard at nagchi-check ng mga dumadaan, na ang outfit ay red na gown, at siyempre ang ganda-ganda niya.

Eh, biglang dumaan si Piolo sa harap ni Juday, at siyempre, nagbigay pugay si Piolo, at bumeso sa kanyang dating ka-love team.

Kiyeme-kiyemeng hiningian ni Juday ng ID si Piolo, at saglit lang silang nag-usap na parehong nakangiti. Medyo pa-cute nga si Juday nu’ng time na ‘yon.

Sa saglit na paghaharap ng dalawa, marami na nga ang nagsabing miss na miss na nila ang mga idolo nila.

“Sana pelikula na. Gawa na kayo please,” sabi ng mga fan.

Anyway, ramdam na ramdam ang malakas na chemistry ng dalawa, na kahit saglit lang silang magkatabi sa isang event, lumalabas na agad ang ganda ng pagsasama nila.

So, hiling nga ng mga fan na mapagbigyan na sila sa 2020. Malabo na nga silang magsama sa teleserye, dahil si Piolo nga ay hindi na bet gumawa ng ganu’n. Kaya pelikula na lang talaga sila magsasama.

Well, kung si Coco Martin at Angelica Panganiban nga raw ay nabigyan ng pelikula na pang-Valentine’s Day, bakit naman hindi raw sina Piolo at Juday?

Sana nga…

Maymay lumaban ng biritan kay Sarah

Ang cute ni Maymay Entrata, dahil matagal na pala niyang pangarap na maka-duet si Sarah Geronimo, ha! Kaya nu’ng nabigyan siya ng chance na makaharap si Sarah sa event ng ABS-CBN, at ipinahawak sa kanya ni Darren Espanto ang mikropono, hayun nga at tumodo siya sa pagkanta, ha!

Yes, bumirit nga si Sarah sa harap ni Maymay, at hindi nagpatalo si Maymay, dahil buong ningning nga niya itong ginaya, at tinaasan din niya ang boses niya.

Tila naghahamon nga ang dating ni Maymay, na parang sinasabi na kung ano ang kaya mo, kaya ko rin. Pero siyempre, etchos lang ‘yon.

“Glory to God. Dream come true talaga. Ito yung time na bahala na magkandarapa sa pagkanta basta maka-duet ko si Ms. Sarah. Grabi bai, salamat Darren Espanto at Kuya Robi Domingo,” sabi ni Maymay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More