Una sa Balita

Juancho, Derrick matindi ang agawan sa kagandahan ni Barbie

By
0 2,818

Pahaba nang pahaba ang dati na ring ‘long hair’ ni Barbie Forteza dahil lalo pang tumitindi ang kumpetisyon ng dalawang lalaking nais magwagi sa puso niya sa Inday Will Always Love You (IWALY).

Hindi na napigilan ni Patrick (Derrick Monasterio) ang sarili. Tinanong na niya si Inday Happylou (Barbie) kung maaari ba niyang maging girlfriend ang dalaga. Pero hindi magpapahuli si Ernest (Juancho Trivino)! Laban kung laban ito sa kanyang nararamdaman para kay Happylou. Isang ‘grand gesture’ ang gagawin niya na ikakagulat ni Happylou. Ngunit kapalit ba nito ang buhay ng binata?

Nalaman na rin ng mga viewer na ang kapatid ni Happylou na si Sunshine (Ayra Mariano) ay kakampi pala ni Amanda (Gladys Reyes). Ang pagpapahanap pala kay Sunshine ay pa­kana ni Amanda at ngayon, doble na ang puwersang magpapahirap kay Inday. Mabuko kaya ito ni Sir Phi­lip (Ricky Davao)?

Dapat ding abangan ng manonood ang ‘bonding’ nina Happylou at Sunshine sa Oslob. Mas kapana-pa­nabik pa nga ang mga kaganapan sa Inday Will Always Love You, gabi-gabi pagkatapos ng Kambal Karibal sa GMA Telebabad.

TNT Boys tagapagmana ng korona ni Vice Ganda

Mahigit isang taon na pala mula noong nabuo ang TNT Boys sa ‘Gandang Gabi Vice’ kung saan unang nagpakitang gilas sina Kiefer, Francis, at Mackie at nag-viral ang performance nila ng ‘Listen’.

Simula nito, tuloy-tuloy na ang pag-angat ng trio at naimbitahan na sila sa iba’t ibang TV shows sa ibang bansa at kinagilawan ng buong internet.

Noong Linggo nang gabi (July 15), bumalik ang TNT Boys sa talk show ni Vice upang pasalamatan ang host dahil ito ang may pa­kana ng singing showdown ng mga chikiting na nagpasikat at nagbuo sa kanila bilang isang grupo.

Halatang na-touch si Vice, lalo pa nung bigyan siya ng bouquet ng mga bulaklak ng TNT Boys bilang sorpresa at pasasalamat.

“Thank you very much po. Kung hindi dahil sa inyo, hindi po kami mapapansin,” say ni Francis.

Sagot naman ni Vice, “Proud na proud kaming lahat para sa inyong tatlo. Sobra kaming tuwang- tuwa at kahit wala kami doon sa mga bansang pinupuntahan niyo habang nagpe-perform, nandito kami sa Pilipinas at pumapalakpak kasama ng ibang mga tao.”

“Tuwang tuwa ako kapag nababanggit nila na dito kayo nanggaling. Nakakatuwa kasi para ko kayong inanak. Hindi ako magtataka kung bukas makalawa, lalaki rin ka­yong mga Vice Ganda,” biro ni Vice.

Siyempre, marami ang naghahangad na mapanood din nila ang TNT Boys nang live at hindi sa internet videos lang!

Kaya naman para sa mga fan nila, maaari pa rin kayong bumili ng ticket sa ‘TNT All-Star Showdown’, ang unang concert ng ‘Tawag ng Tangahalan’ singers kung saan kasama ang TNT Boys. Gaganapin na ito sa July 28 sa Araneta Coliseum. Makakabili ng tickets sa Ticketnet outlets at sa Araneta Coliseum Box Office.