Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

JRS: Hindi kami kumpanya. Pamilya kami.

0 532

ni Antonio Claparols

There is a legendary bird that runs faster than others and when the dust settles all this is deliveredThe Roadrunner

Noong araw, sulat lang ang gamit namin para makausap ang isa’t isa. Noon ‘yon, noong “the pen was mightier than the sword.” Dati-rati, sining ang pag-gawa ng liham. Masaya ring makatanggap nito.

Ganoon kami noong 1960’s, ’70’s at ’80’s. Sulat ang gamit namin para pag-ugnayin ang mga isla, pati na rin ang mga tao.

Noong kabataan namin, simple lang ang mga laruan – tirador, bisikleta, kahoy na espada, o lapis at maraming papel para makapagsulat at makapag-drawing. Ganito kami noon. Lahat kami, sumusulat ng liham.

Naalala ko pa nang una kong marinig ang JRS. Ginawang opisina ng tatay ko ang bahay namin sa Tamarind. Nagbuo kasi ng kakumpetensiyang kompanya ang stockholders namin. Nakatira kami sa Yakal noon.

Bumili ng eroplano ang tatay ko, isang C-45. Una kaming naging courier na may sariling eroplanong pinapalipad papunta sa Cebu, Bacolod, iloilo, Cagayan De Oro at Davao. Noong 1973, pagkatapos ng graduation, tinanong ko ang tatay kung puwede akong magtrabaho sa kumpanya. Tinanong niya ako kung bakit. Hindi ko raw ba gustong mag-enjoy muna, lalo pa’t maaga akong nakatapos? Nag-aral ako ng accounting at kumuha pa ng isang degree. Pumasok ako sa isang insurance school, dahil may Imperial Insurance si tatay noon.

Sabi ko sa kaniya, “Hindi namin alam kung papaano gawin ang ginagawa mo. Gusto kong tumulong at matutunan kung papaano patakbuhin ang negosyo. Hindi natin alam, baka ma-stroke ka in 6 months.” Pumayag siya. Binigyan niya ako ng minimum wage na P4.00 kada araw. Kapag lumampas ng 8 a.m. ang time-in ko, hindi ako mababayaran sa buong araw.

‘Yon ang kasunduan namin, at pumayag ako. Ganito ako nagsimulang magtrabaho sa JRS. Sabi sa amin ng tatay, “Maging matatag kayo. Magkaisa kayo at maraming gustong sumira sa inyo.” Lagi niya pang sabi, “Tumulong kayo sa mahihirap at may sakit. Sipagan niyo ang trabaho. Mahalin ninyo ang Diyos. Do what you have to do with the best that you can, and leave the rest to God.”

Ganitong aral ang dala namin sa trabaho. Ito ang bumubuo ng aming pagkatao. Malaki ang utang na loob namin sa nanay at tatay.

Sa kanila, natutunan ko kung gaano ka-importante ang sipag at tiyaga. Malaki ang respeto ko sa mga manggagawa namin. Natutunan kong maging matapang sa mga abogado at mapang-unawa sa mga kliyente. “Softer than soft and tougher than tough”, sabi nga ng tatay.

Naalala ko noong pumunta kami sa Legaspi at Naga. Sumakay kami sa Bicol Express. Nakitulog ako sa isang kaklase at binisita ko ang mga branch namin doon. Nang tanungin ako ni tatay sa gastusin, sinabi kong nakitulog lang ako at hindi nag-hotel. Natuwa siya at may sarili na akong isip.

Pagkatapos ng anim na buwan, nangyari ang kinatatakutan ko – na-stroke si tatay. Dinala siya ni nanay, Rick at Jav sa Houston para sana ma-bypass. Kaso, huli na. Bumalik na lang siya sa trabaho. Sabi sa kaniya ng doktor, “Ang buhay parang banko. Hindi ka puwedeng mag-deposit, withdraw lang.” Nagsimula ako bilang counter clerk bago na-promote. Naging financial analyst ako at na-assign sa canvassing bago ako ginawang admin officer ni tatay. Ang trabaho ko noon ay mag-report sa kaniya. Ako ang nakatalaga sa promotions at canvassing group – libo-libong sulat at sample ang naipapadala ng maliit na departamentong ‘yon.

Naalala ko ang unang punta ko sa Zamboanga. Kumain ako ng bayawak. Mas masarap kaysa sa manok. Pumunta rin ako sa Basilan Island noong 1975. Mahirap ang buhay noon dahil sa martial law.

Tapos, noong Dec. 11, 1975, inatake sa puso si tatay. Namatay siya.

Iniwan niya kaming handang magpatakbo ng negosyo. Nagtalaga sila ng presidente at ginawa akong EVP. Pagkatapos ng ilang buwan, nag-alok ang stockholders ng buy-out.     

Inareglo namin ang 3-year buyout. Ito ang isa sa mga pinakamahirap na panahon sa buhay ko. Inalalayan ako ng mga kapatid ko sa kompanya habang lumalaki ang negosyo. Tinulungan ako ng mga opisyal ni tatay. Pinaunlad namin ang negosyo. Nagkaroon kami ng mga bike messenger at van. Wala pang mga motorsiklo noon. Ngayon, higit sa 1,500 na ang sasakyan namin. Mas marami sa 3000 na ang bilang ng mga trabahador. Ang mga courier namin, naglalakad, nagbabisikleta, nag-momotorsiklo at de- sasakyan para magparo’t-parito mula JRS papunta sa mga bahay.

Noong 1960, dahil sa R.A. 326, nabigyan kami ng prangkisa para paglingkuran ang mga tao. Hanggang ngayon, tapat kami sa kanila.

Taong 1983 nang matapos ko ang master’s degree ko sa Boston. Bumisita ako sa opisina ng FedEx sa Memphis. Nakausap ko ang Airborne sa Seattle at ang Purolator sa New York. Pagbalik ko sa Pilipinas, pinalitan namin ang pangalan namin: JRS Express. Dito nagsimula ang next-day delivery ng mga sulat at package.

Marami kaming ka-kompetisyon noon, pero kaunti na lang ang natira ngayon. Hindi pa uso ang mag-courier noon. Masyadong matrabaho, kaya mas uso ang industriya ng banko at investment.

Dahil sa internet at e-commerce, lalong lumakas ang JRS. Para kaming nasa tamang lugar sa tamang panahon. 430 ang branch namin. Umiikot sa buong Pilipinas ang mga sasakyan namin. 60 taon na kami sa industriya.

Ngayon, walang tigil ang operasyon namin. Bukas kami 24/7, 365 araw sa isang taon. Sa tulong ng Facebook at mga online client, naitatag namin ang JRS bilang tagapamuno sa industriya.

Nakaikot ako sa buong Pilipinas – maski na sa mga lugar na hindi karaniwang pinupuntahan. Mula Marawi hanggang Malaybalay, Basco hanggang Basilan, Gensan hanggang Marbel, patuloy akong maglalakbay.

May JRS sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad, dahil responsibilidad naming paglingkuran ang mamamayan. Sa Baguio, noong lindol ng 1990, nagtayo kami ng mga tent at sinimulan namin ang Libreng Hatid Sulat Alay sa Kapwa para matulungan ang mga nasalanta. Lagi kaming tumutulong sa gitna ng kalamidad, katulad noong bagyong Yolanda sa Tacloban, at Sendong sa Cagayan de Oro.

Ngayon, napakarami nang ilegal na operator sa bansa. Ito ang pinakamalaking peligro sa industriya. Tuloy ang kurapsyon. Tuloy din kami sa walang-sawang paglilingkod, inobasyon at kabutihang-loob.

Sa panahon ng apps at internet, mas umiigting ang kahalagahan ng personal na serbisyo. Ang paghahatid ng mga sulat at package gamit ang door-to-door service, mayroong kasamang kalinga’t pagmamahal na nag-uugnay sa ating mga isla’t kapwa Pilipino – bagay na walang robot o drone ang makakagawa.

Tuloy kami sa 60 taong serbisyo. Diyos ang dispatcher namin at kami ang Kaniyang mga mensahero. Naglilingkod kami sa 30,000 baranggay – 95% ng Pilipinas. Institusyon kami. Hindi lang kami basta kompanya – pamilya kami.

Kaakibat namin ang susunod na henerasyon sa ebolusyon, patungo sa bagong yugto. Salamat sa mga tumatangkilik ng JRS, sa tiwalang pinagkaloob ninyo sa amin at sa aming mga manggagawa. Mabuhay!

 

Sa loob ng 60 na taon, naipagtibay natin ang ating samahang, mga ka-JRS. Sa bawat padala ninyo, alam naming ang kahon ay…

Posted by JRS Express on Wednesday, August 26, 2020
In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.