Una sa Balita

JoyRide VIP ang trato

0 355

SISILIPIN ni Senador Grace Poe kung bakit pinaboran ng technical working group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) na mapasama sa extended pilot test ng motorcycle taxi ang JoyRide, bunsod na rin ng mga alegasyon na may kapit ito sa gobyerno.

Gustong malaman ni Poe, chair ng Senate committee on public services, kung bakit ang JoyRide at Move It lamang ang isinama sa extended pilot test kung may pito pang ride-hailing firm ang gustong pumasok sa test run.

Nauna nang inamin ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel na inendorso niya ang JoyRide sa DOTr. Itinanggi na ni JoyRide president Sherwin Yu na kamag-anak niya ang asawa ni Senador Pimentel na si Kathryna Yu pero inamin naman nitong kaibigan niya ang pamilya ng senador.

Itinanggi na rin ni Senador Bong Go na namuhunan siya sa JoyRide.
Hindi naniniwala si Poe na senador ang nagmamay-ari ng JoyRide pero ang pinagtataka niya ay kung bakit ganu’n ito kala­kas at naipasok agad ito sa pilot test.

“Sa tingin ko, hindi naman yata ‘yan totoo na merong ibang senador na may kinalaman sa pagmamay-ari ng ibang sasama,” wika ni Poe.

“Pero ang malinaw dito, nagulat kaming lahat kung bakit nagkaroon na ng desisyon sa iba kung ano ba talaga ang kanilang performance. ‘Di ba sinasabi nga, hindi naman sila nasali sa trial run so bakit sila nabigyan halimbawa ng konsiderasyon na ganu’n,” dagdag ng senador.

Kabilang din sa gustong malaman ni Poe ay kung totoong banyaga ang nagmamay-ari sa Angkas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More