Una sa Balita

Joy Belmonte no-show sa libing ni Beltran

0 624

NO-show si Quezon City acting Mayor Joy ­Belmonte sa libo-libong katao na sumama sa paghahatid sa huling hantungan sa napatay na kapitana ng ­Barangay Bagong Silangan na si Crisell ‘Beng’ Beltran kahapon ng umaga.

Dahil sa marami ang nakipaglibing sa kapitana, naging pahirapan ang usad ng trapiko mula sa loob ng Barangay Bagong Silangan hanggang sa IBP road bunsod ng napakaraming pribadong ­sasakyan, mga naka-motorsiklo at pampasaherong jeep na sakay ang mga tagasuporta, mga kaibigan at kaalyado sa politika ni Beltran na nakasunod sa karo ng labi nito patungo sa himlayan nito sa ­Forest Lawn Memorial.

Nagsilabasan sa gilid ng mga kalsada ang mga residente ng Barangay Bagong Silangan para sa huling pagkakataon ay masilayan ang kanilang barangay chairwoman. Kasabay nito ay nanawagan ng bukas o transparent na imbestigasyon ang mga tagasuporta ng napaslang na kapitana.

Kasama ring nakipaglibing ang grupong Justice for Beng Beltran na nangakong babantayan ang proseso ng paghahatid ng hustisya sa napatay na kapitana.

Nakipaglibing din sina 1st District Bingbong Crisologo na tumatakbo sa pagka-alkalde na mahigpit na katunggalin ni Belmonte gayundin si Atty. Jopet Sison na legal counsel ng pamilyang Beltran at tumatakbo rin sa pagka-bise alkalde na pawang mga kaalyado ni Beltran.

Nabatid na kinasuhan na ang mga suspek na sina Teofilo Formanes at ang magkakapatid na sina Ruel, Orlando at Joppy Juab ng double murder at frustrated murder dahil sa pananambang kay ­Beltran at sa driver nitong si Melchor Salita nitong Enero 30 ng taong kasalukuyan.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang motibo sa pagpaslang sa kapitana na tatakbo sanang kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod at napag-alaman na liyamado sa survey sa kanyang mga magiging katunggali sa Kongreso.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy