Una sa Balita

Josh wagi sa kantahan sa Egypt!

0 1,218

Libreng pagkain lang ang TF sa Cagayan de Oro

 

Magpi-pitong buwan pa lang sa Maynila si Josh Adornado, pero bongga na agad ang eksena niya, ha! Kung dati-rati, ‘libreng pagkain’ lang ang ibinabayad sa kanya sa Cagayan de Oro, kapag pinapakanta siya, pero ngayon nga ay binabayaran na ang pagkanta niya sa telebisyon (Studio 7), ha!

“Dati-rati sa CDO, libreng pagkain lang talaga. Sabi ko nga, pakainin niyo lang ako kakanta na ako. Pero minsan may P500. Puwede na ‘yon. Pero mas madalas na pagkain lang talaga ang bayad,” bungad na kuwento ni Josh nu’ng mag-guest siya sa Abantelliling, ang Abante News Online show namin ni Rey Pumaloy, na mapapanood sa Abante Facebook page, Abante Tonite YouTube channel, at @abante_tnt.

Nagpa-sample nga si Josh ng kanta sa Abantelliling, at mapapanganga ka sa husay niya. Kunsabagay, ang mga magulang niya ay parehong mahusay kumanta. At nanay niya ay matagal ding nagtrabaho sa Japan bilang singer, at ang tatay naman niya ay bihasa bilang bokalista ng banda.

“Tinuturuan nila akong kumanta noon. Pero wala talagang formal na training. Ako lang talaga ang nagpursige. Pero suportado nila ang pagkanta ko,” sabi ni Josh.

Anyway, ang The Clash ng GMA 7 ang unang national singing competition na sinalihan ni Josh. Pero, alam niyo ba na nu’ng 12 years old siya ay sumali siya sa isang singing contest sa Egypt.

“Yes, sa International Nile Song Festival ‘yon. Nu’ng bata kasi ako bonding moment namin ng nanay ko ‘yung magri-record sa mga mall, na may mga booth. It’s either na puwede mo iparinig sa labas, o sa loob lang ng booth.

“Eh ang nanay ko, proud mom, kaya pinarinig niya sa labas. Eh may isang Egyptian citizen na nanalo sa contest na ‘yon, at in-offer na sumali ako.

“Pero, 3 years muna ang nakalipas bago ako nakapunta sa Egypt. At ‘yun nga po, na­nalo naman ako ng first place,” kuwento ni Josh na nag-uwi ng $2,000, trophy at maraming gift certificates.

 

Super in love kay Julie Anne San Jose

Sobrang grateful­ nga si Josh sa show na Studio 7, dahil nakakasama niya rito ang matagal na niyang­ crush na si Julie Anne San Jose. Wish nga niya na makapag-duet sila ni Julie Anne, at siyempre bet na bet din niyang makagawa ng teleserye, o pelikula, na ang dalaga ang ka-partner niya.

“Ay para po sa akin, alam ito ng mga fans ko, gusto ko talaga maka-duet si Miss Ju­lie Anne. Wala pa kaming duet. May mga production number kami, pero hindi talaga ‘yung duet na kami lang.
“Sana mabigyan ng chance na one on one kami.”

Bakit si Julie Anne?

“Aside from napakaganda niya, sobrang crush ko talaga siya. Napakaganda ng boses niya. Kaya gusto kong ma-experience na makapag-perform with her,” pag-amin ni Josh.
Kahawig daw niya si Mark Bautista?

“Abangan niyo kung magkaka-duet kami. Kasi maganda rin ‘yon. Si Sir Mark Bautista kasi ay mula sa Cagayan de Oro rin,” sabi ni Josh.
Teka, baka magkapatid kayo?

“Hahahahaha! Pero marami po ang nagsasabi na magkahawig kami. It’s an honor po. Napakahusay na talent ni Sir Mark, mahusay na theatre actor,” sabi niya.
Puring-puri rin ni Josh sina Christian Bautista.

“Napakalaki ng tulong niya sa amin. After The Clash, nakaalalay pa rin siya sa amin. Pag nahihirapan kami, binibigyan niya kami ng mga tips.

“Even si Miss Julie, Sir Mark, napakabait nila sa amin. We felt comfortable­ right away. Masarap silang kasama. At kahit ang staff ang babait sa amin. Healthy environment talaga.”
Eh si Regine Velasquez, nakakausap pa ba niya?

“Hindi na po. Pero sobrang grateful po kami na nakasama namin siya sa The Clash!” sagot ni Josh.

 

Anak ng macho dancer:
Napasubo sa aktingan kay Abante Cutie

Gusto nga ring sumabak ni Josh sa pag-arte. At kayang-kaya naman niya, ha!

“Oo po talaga, kung mabibigyan ng chance. Ang singer raw kasi, kapag kumakanta ka, parang nangu­ngusap ka. You convey a certain emotions. So, puwede naman po talaga.”

Sa Abantelliling nga ay napasabak siya sa aktingan with Rey Pumaloy (na gumanap bilang nanay ni Josh), at Abante Cutie Jun (na gumanap naman bilang tatay niya).

Aba, bigay na bigay si Josh sa pag-arte, ha! At sa sobrang husay niya, sa sobrang tindi ng emosyon na ibinigay niya, natulala sa kanya si Abante Cutie.

Pero, may mga moment na tuwang-tuwa rin si Josh, at napapahalakhak siya, kapag kaharap niya si Abante Cutie.

Isang pasaway na anak ang role niya, na sa halip na mag-aral ay wala siyang­ ginawa kundi ang sumali na lang sa mga singing contest. Kumbaga, nasayang ang datung na pinaghirapan ng tatay niya na macho dancer ang trabaho.

“Ang lalim naman po ng kuwento. Hahahahaha!”

Pero sa tunay na buhay, hindi malungkot ang childhood ni Josh. Sabi nga niya, sinuportahan nga raw siya ng kanyang pamilya sa gusto niya.

Pero sa ngayon, namumuhay siyang mag-isa sa Maynila, at sanay naman daw siya na alagaan ang sarili niya. Kunsabagay, 23 years old na si Josh, at matino ang takbo ng isip niya.

Nakatuon ang isip niya sa career, at wala raw muna siyang panahon sa dyowa.

“Saka na lang po ang lovelife, pag okey na ang career,” sabi na lang ni Josh.

Well, isa nga si Josh sa pinakamalakas, mabentang guest sa Abantelliling, ha! Sobrang aktibo ang kanyang mga fan, na tinawag niyang Adorables.

Sa mga Adorables ni Josh, salamat…