Una sa Balita

JOHN, LITO, EJAY, ‘MAGPAPASIKLAB’ SA SERYE NI COCO!

0 264

Sunud-sunod na pasabog ang inihandog ng nangu­ngunang serye sa bansa na FPJ’s Ang Probinsyano, matapos matunghayan ng mga manonood ang maaksyong pagkamatay ni Joaquin (Arjo Atayde) at ang pagpasok ng mga bagong karakter sa palabas, kaya naman nanatili ang pamamayagpag nito sa TV ratings sa buong bansa.

Matapos mas panoorin kumpara sa pag-uumpisa ng bagong katapat noong Lunes (May 22), patuloy na nakatanggap ang FPJ’s Ang Probinsyano ng mainit na suporta hanggang Martes (May 23) at Miyerkules (May 24) sa pagtala nito ng national TV ratings na 43.3% at 42.7%, kumpara sa 20.6% at 21.1% ng kalaban, ayon sa datos ng Kantar Media.

Samantala, ngayon ngang nabigyan na ng hustisya ni Cardo (Coco) ang pagkamatay ng kanyang kakambal na si Ador, panibagong kabanata na ang kanyang haharapin sa pagpasok ng mga bagong karakter na magdadagdag aksyon at magbibigay aral sa pamilyang Pilipino gabi-gabi.

Abangan ang ilan sa pinakamagagaling na aktor ng industriya na pinangungunahan ng Filipino action movie icon na si Lito Lapid, kasama ang anak na si Mark Lapid, at multi-awarded actor at bida sa pelikulang Heneral Luna na si John Arcilla na magpapakapit sa mga manonood sa kanilang mga telebisyon.

Muling magsasama naman ang mga bituin ng Till I Met You na sina Pokwang at Angel Aquino, na magbibigay ng panibagong kulay sa serye sa kanilang kakaibang karakter na gagampanan. Hindi rin dapat palampasin ang muling pagganap sa teleserye ng OPM icon na si Mitch Valdez na magpapakita naman ng kanyang galing sa pag-arte.

Kasama ring magdadala ng aksyon sa mga tahanan si It’s Showtime host Jhong Hilario, pati na rin ang Gawad Urian awardee at nagbabalik Kapamilya na si Sid Lucero.

Mula naman sa kanilang seryeng Dugong Buhay, muling matutunghayan sina Ejay Falcon at Yam Concepcion na magpapamalas ng kanilang galing pagdating sa aksyon kasama ang award-winning indie actor na si Ronwaldo Martin.

Pwedeng mapanood ang past episodes ng palabas sa iWanTV.com o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy