Una sa Balita

Jiro Manio nanaksak, kalaboso

0 515

Nakakulong ngayon sa Marikina City detention cell ang award-winning former child actor na si Jiro Manio (Jiro Katkura Manio sa tunay na buhay), dahil sa pananaksak noong Biyernes ng gabi.

Kinasuhan ang 27-year-old actor ng alleged frustrated homicide.

Sa naging imbestigasyon, sinaksak diumano ni Jiro ang isang nagngangalang Zeus Doctolero y Jao habang naglalakad ito sa Brgy. San Roque, Marikina City. May tatlong stab wounds si Doctolero.

Ayon sa report mula sa Eastern Police District (EPD), naganap ang pananaksak bandang alas-7:20, Biyernes ng gabi sa kahabaan ng Roxas St., habang naglalakad umano ang biktimang si Zeus, 25-anyos, residente ng Brgy. San Roque papunta sa bahay ng kaibigan nang biglang lapitan ni Jiro at pagsalitaan ng masasakit na salita na nauwi sa pagsusuntukan ng dalawa.

Hindi umano akalain ng biktima na may dalang panaksak si Jiro na agad siyang inundayan sa katawan at likod nang tatlong beses.

Nagawa pang maagaw ng biktima ang kutsilyo subalit nabali naman ito at doon na siya tumumba, na agad namang naitakbo sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center at nasa maayos nang kalagayan.

Ayon naman kay Manio, nauna raw siyang saktan ni Zeus kaya dinepensahan niya ang sarili. Dati umanong magkaibigan ang dalawa, at ngayo’y matagal nang may alitan.

May lumutang din na espekulasyon na ang sinaksak ni Jiro na si Doctolero ay isa umanong “notorious creepy stalker” kaya’t may mga ilan na nakikisimpatya sa aktor.

Marami ang nanghinayang kay Jiro dahil sa balitang pagkakalulong nito sa pinagbabawal na droga.

Noong 2004 ay nanalo ng ilang best actor awards si Manio para sa pelikulang “Magnifico”.

June 2015 noong makita si Manio na gumagala-gala sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at nanlilimos.

Ang aktres na si Ai Ai delas Alas ang tumulong kay Manio para mag-undergo ito sa rehabilitation.

Gumanap na isa sa mga anak ni Ai Ai si Jiro sa tatlong “Ang Tanging Ina” films.

Sa huling mga balita bago ang insidenteng ito, si Jiro ay namamasukan bilang helper sa isang eatery. (Vick Aquino/Ruel Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More