Una sa Balita

Jinggoy vs JV

Tubig at langis

0 360

Kahit magkapatid, maituturing na tubig at langis ang relasyon nina Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito at dating Senador Jose ‘Jinggoy’ Estrada. Bata pa lang, sinasabing mainit na ang dugo ng dalawa sa isat isa. Si Jinggoy ay anak nina dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at dating Senador Luisa ‘Loi’ Ejercito. Kasal sina Erap at Dra. Loi at anak nila sina Jinggoy, Jackie at Jude. Si JV ay anak naman ni Erap kay San Juan City Mayor Guia Gomez.

Parehong nagsilbing alkalde ng lungsod ng San Juan sina Jinggoy at JV bagong naging senador. Unang tumakbong senador si Jinggoy noong 2004 sa ilalim ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pili­pino (KNP), isang koalisyon ng partidong Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), PDP-Laban at Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Erap. Nanalo si Jinggoy noong 2004 at tumakbo ng reeleksyon noong 2010 kung saan pumangalawa siya sa botong 18.9 mil­yon sa likod ng number 1 na si Ramon Bong Revilla Jr. na nakakuha ng 19.5 mil­yong boto.

Tumakbo naman si JV noong 2013 Midterm elections pero hindi tulad ng kanyang kapatid, muntik pa itong matalo matapos na pumuwesto na pang-11 nanalong senador sa nakuhang 13.6 milyong boto. Sa kainitan ng kampanya, nakarating sa impormasyon ni JV na ginagapang umano ng kanyang kapa­tid ang mga kaibigang politiko na ilaglag sya sa kani-kanilang lugar. Mariin naman itong itinanggi ni Jinggoy sa pagsasabing hindi niya ito magagawa sa kapatid.

Nagkasama sa Senado sina JV at Jinggoy mula noong Hulyo 2013. Pero nang pumutok ang pork barrel scandal ng negosyanteng si Janet Lim Napoles, muling dumaan sa pagsu­bok ang ugnayan ng magkapatid.

Inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang naturang usapin at sa dulo ay naglabas ng committee report na nagre­rekomenda na kasuhan sina Jinggoy, Revilla at noon ay Senador Juan Ponce Enrile.

Isa sa lumagda sa committee report ay si JV na labis na ikinagalit ni Jinggoy. Maging si dating Pangulong Estrada, hindi rin nagustuhan ang ginawa ng anak. Nakulong si Jinggoy nang kasuhan siya ng Ombudsman at maglabas ng arrest warrant ang Sandiganba­yan dahil sa kasong plunder. Sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame siya ipinakulong ng anti-graft court.

May isang pagkaka­taon na bumisita ang pamilya Estrada sa kulungan ni Jinggoy. Nakapasok si Erap, Dra. Loi at iba pang miyembro ng pamilya Estrada. Pati na ang malalapit na kaibi­gan ng pamilya, pinayagan din na makapasok maliban kay JV. Matagal na nag-abang sa labas ng Custodial Center si JV pero hindi natinag si Jinggoy nang manindigan itong i-ban ang kapa­tid. Sa ika-80 kaara­wan ni Erap noong Abril 2017, pinayagan ng Sandiganbayan si Jinggoy na makadalo sa birthday ce­lebration ng kanyang ama. Doon ay muling nagkasama ang magkapatid at umawit para sa kanilang ama.

Matapos ang tatlong taon na pagkakulong, nakalabas din ng Custodial Center si Jinggoy noong Setyembre 2017 nang pa­yagan siya ng Sandiganbayan na maghain ng piyansa sa kasong plunder.Hindi umano napatunayan ng prosekusyon na si Jinggoy ang ‘main plunderer’, pero binasura ng korte ang hirit ng akusado na madismis ang kaso.

Sa darating na hala­lan, sabay na tatakbo ang magkapatid. Pero ngayon pa lang, ramdam na ang hidwaan ng dalawa. Imbes na magsama sa partidong PMP ng kanilang amang si Erap, tumalon si JV at lumipat sa Nationalist Peoples Coalition (NPC). Nagtampo ang dating Pa­ngulo kay JV at nagbantang hindi niya ito ieendorso sa darating na halalan.

Kailangan ni JV ang endorsement ng kanyang ama dahil namimiligro itong matalo sa Midterm elections. Sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre, lag­lag sa Magic 12 si JV nang pumuwesto lang ito sa 17th spot. Si Jinggoy, hayahay sa pang-pitong puwesto. Kung hindi magbabago ang standing hanggang sa Mayo 2019, isang anak lang ni Erap ang mananalong senador at ito ay si Jinggoy.

Bitbit ni Jinggoy ang apelyidong Estrada at namana din niya ang karisma ng kanyang ama. Ito ang wala kay JV. Muntik na ring maagaw ng mga Zamora ang San Juan dahil umano sa kapabayaan ni JV. Sa darating na halalan, ang anak ni Jinggoy na si Janela ang siyang tatakbong alkalde ng lungsod.

Isa na lang ang pag-asa ni JV para makabalik sa Senado. Ito ay kung tatalab ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang Midterm elections ang magsisilbing timbangan kung kuntento ang mamamayan sa unang tatlong taon na pamamahala ng Pangulo. Haharapin ng mga kandidato ng administrasyon ang isyu ng inflation, pagtaas ng presyo ng bilihin, gasolina at pamasahe, bukod pa sa isyu ng extra-judicial killings.

Kung hindi papalaring manalo si JV, makakabilang siya sa lista­han ng tambay sa Pilipinas. Yun nga lang, mayroon siyang mga big bike tulad ng Ducati para aliwin ang sa­rili sa paglalakbay sa malalayong lugar ng bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy