Una sa Balita

Jinggoy Estrada bilib kay Duterte

0 1,667

Sa pananaw ni dating Senador Jinggoy Estrada, bukod sa kanyang amang si da­ting Pangulong Joseph Estrada, si Pangulong Rodrigo Duterte ang isa sa pinakamagaling na namuno sa Pi­lipinas.

Kaya naman nang hingin sa isang programa ng himpilang DZBB kung anong ibibigay niyang grado kay Pangulong Duterte, hindi nagdalawang-isip si Jinggoy na bigyan niya ito ng gradong 9.5 kung saan 10 ang pinakamataas.

“Ako, I’ll give a grade of 9.5. Alam mo, iba kasi ang style ni Pangulong Duterte kung ikukumpara mo sa ibang mga naging presidente.”wika ng dating senador.

Binanggit ni Jinggoy na ibang klase kasi kung dumiskarte si Pangulong Duterte dahil kapag sinabi niya ito sa publiko ay tinutupad agad, hindi katulad ng nakaraang administrasyon na nagdadalawang-isip pa.

“Alam mo kapag may sinabi si Pangulong Duterte, talagang ginagawa niya.
Hindi katulad ng ibang mga, with all due respect to previous presidents, ang iba, lalung lalo na ang nakaraang administrasyon, medyo laging nagdidilly-dally, hindi malaman ang gagawin, kapag mayroong decision making na dapat gawin. Pero si Presidente Duterte, kung mayroon siyang sasabihin, he is really firm.” diin ni Jinggoy.

Hindi na nagtataka ang batang Estrada kung mataas na pa rin ang trust at approval rating ni Duterte kahit na nakakatatlong taon na ito sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa.

“Kasi si Pres. Duterte, he speaks the language of the common people kaya naiintindihan talaga ng taumbayan kung saan siya nanggagaling. So talagang suportado siya ng majority of the Filipinos,” dagdag ni Jinggoy.

Si Duterte ay inihalal ng higit 16 milyong Pinoy noong 2016 elections, o 39% ng voting population kung saan lamang ito ng anim na milyong boto sa sumegundang si dating Interior Secretary Mar Roxas ng Liberal­ Party (LP).

Ang nakuhang boto ni Duterte ay hindi nagkakalayo sa ama ni Jinggoy na si dating Pangulong Estrada na nakakuha ng 10.7 milyon o 39.86% ng voting population. Ang pumangalawa kay Estrada na si dating House Speaker Jose de Venecia ay nakakuha lamang ng 4.2 mil­yong boto.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy