Una sa Balita

Jetstar nabalahaw, namerwisyo sa NAIA

0 410

NAPERWISYO ang libo-libong biyahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Sabado matapos mabalahaw sa runway ang isang eroplano na palipad sana patungong Japan.

May sakay na 140 pasahero at crew, buma­on sa madamong gilid ng runway 13-13 ang Jetstar Asia dakong alas-2:30 nang madaling-araw.

Ang Jetstar flight GK40 na patungong Na­rita, Japan ay nagsasagawa ng pagkurba para sa take off nang pumaling ang unahang landing gear nito sa malambot na bahagi ng Runway Safety Area (RSA-grassy area).

Lahat ng 140 pasahero kabilang ang isang sanggol at mga crew ay ligtas na at dinala pabalik sa NAIA Terminal 1 na lulan ng mga shuttle buses.

Dahil dito, na-divert patungong Clark International Airport sa Pampanga ang ilang eroplanong parating ng Manila.

Patuloy namang ginamit ang runway 06-24 pero hindi nito kinaya ang dami ng eroplanong kailangang lumapag at lumipad.

Base sa inisyal na ulat ang insidente ay naganap dakong alas-2:32 nang madaling-araw. Nang malaman ang insidente, agad itong pinuntahan ni MIAA ge­neral manager Ed Monreal para pangunahan ang aircraft removal o­perations kabilang ang MIAA fire and rescue at operations teams sa lugar para tulungan ang mga pasahero at crew.

Dakong alas-10:30 nang umaga, hinatak ang eroplano patungong Lufthansa Technik Aircraft Maintenance Center sa airport complex at matapos ang isinagawang paglilinis at pagsusuri sa runway light ay binuksan ang runway dakong ala-11:00 nang umaga.

Kabilang sa na-divert ay Clark airport ay ang Cebu Pacific flight 5J269 mula Xiamen; Cebu Pacific flight 5J580 mula Cebu, at Air Asia flight Z2889 mula Seoul.

Kinansela naman ang Cebu Pacific flight 5J488 Bacolod-Manila; 5J901 Manila-Caticlan (Boracay); 5J902 Caticlan (Boracay)-Manila; 5J553 Manila-Cebu; 5J554 Cebu-Manila; 5J325 Manila-Legazpi; 5J326 Legazpi-Manila; 5J506 Manila-Tuguegarao;5J507 Tuguegarao-Manila; 5J659 Manila-Tacloban; 5J660 Tacloban-Manila; 5J379 Manila-Cagayan de Oro (Laguindingan); 5J380 Cagayan de Oro (Laguindingan)-Manila; 5J487 Manila-Bacolod.

Sinabi naman ni PAL spokesperson Cielo Villaluna na wala silang kinanselang flight pero marami ang delayed dahil sa insidente sa runway.

Noong Agosto 2018, higit sa 166 flight ang nakansela matapos mabalahaw sa gilid ng runway ang eroplano ng Xiamen Air. Higit isang araw itong nakabalagbag sa runway kaya’t libo-libong katao ang naperwisyo sa mabagal na pagtanggal sa nasabing eroplano. (Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More