Una sa Balita

Jeric recording artist na

0 226

abante-talbog-joe-barramedaMukhang madadagdagan ang dahilan ng mga fan ni Jeric Gonzales na tutukan ang mga social media post niya dahil may bagong pakulo ang “Ika-5 Utos” actor ngayon. Finally natupad ang isa sa pangarap niya. Sisi­mulan na ni Jeric ang kanyang official YouTube channel kung saan niya ipakikita ang pagmamahal sa musika, at magpo-post ng iba’t ibang song covers. Nabili na rin niya ang pangarap na gitara kaya tiyak na ganado ang Kapuso actor sa pagtugtog, na inamin niyang first love niya. At finally napansin ng GMA ang talent niya sa pagkanta, kaya anytime soon ay pipirma na siya sa GMA Records para matupad ang isa pa niyang pangarap na magkaroon ng album.

Samantala, halata ang pagpo-focus ni Jeric sa kanyang karakter bilang Brix sa “Ika-5 Utos.” Ang laki ng improvement niya sa acting huh. Marami ang nakakapansin sa pag-arte niya at talagang tinatrabaho niyang magampanan ito nang maayos. Awang-awa ang mga viewer sa sinasapit ni Brix dahil hanggang ngayon ay siya pa rin ang idinidiing pumatay sa anak ni Clarisse (Valerie Concepcion). Hanggang kailan kaya niya pagdurusahan ang kasalanang ‘di naman niya ginawa? Talbog!!!

 

‘Daddy’s Gurl’ nina Vic, Maine harurot sa rating

Patuloy sa pagharurot sa ratings ang “Daddy’s Gurl” dahil panalo na naman ito kontra sa katapat na programa mula sa Kapamilya Network. Hindi alin­tana ang long weekend dahil kahit nakabakasyon ay tumutok pa rin ang mga viewer sa tandem nina Bossing Vic Sotto at Maine Mendoza! Bukod sa relatable ang mga eksena ng mag-ama, nakakaaliw makita si Maine na nagpapakitang-gilas sa pag-arte. Tiyak na proud si Bossing sa performance ni Maine dahil bago pa man magsimula ang programa, ipinangako na nito sa mga viewer na makikita nila ang galing ng Phenomenal Star sa pag-arte! Kinapupulutan din ng aral ang bawat episode dahil makatotohanan ang mga nangyayari sa relasyon nina Stacy (Maine) at Barak (Bossing) bilang mag-ama. Maraming mga anak ang mas lalong makaka-appreciate sa efforts ng kanilang mga magulang dahil sa show, lalo pa’t sa huling episode nito ay pinatunayan ni Barak na gagawin niya ang lahat para lang maabutan ng tulong ang kanyang unica hijang si Stacy. Ngayong Sabado, anong problema na naman kaya ang sosolusyunan ni Barak para kay Stacy? Abangan ‘yan sa pinakabagong Saturday primetime habit na “Daddy’s Gurl” sa GMA!

 

‘Magpakailanman’ 6-taon nang nagbabahagi ng tunay na kuwento

Anim na taon nang nagbabahagi ng mga tunay na kuwento ng buhay ang top-rating drama anthology na “Magpakailanman.” Dahil dito, masayang pinasala­matan ng host na si Ms. Mel Tiangco ang lahat ng bumubuo sa programa mula sa mga direktor hanggang sa mga researchers, lalo na sa mga taong ibinahagi ang mga kuwento ng buhay nila. Dagdag pa niya, proud siya na ang bawat episode na ipinapalabas nila ay nakaka-inspire at kumukurot sa puso ng mga manonood.

Ngayong Sabado (Nobyembre 10), isang kuwento ng pag-asa at katapangan ang bibigyang buhay nina Joyce Ching, Gardo Versoza, Diana Zubiri, at Jak Roberto sa episode na pinamagatang ‘Japinay.’ Ito ang kuwento ni Yuki, isang babaeng ipinamigay ng ina at napilitang maging entertainer sa Japan para buhayin ang batang kapatid. Paano niya haharapin ang mga hamon sa kanyang buhay? Mapatawad pa kaya niya ang sariling ina? Mula sa direksyon ni Albert Langitan, sama-­sama nating tutukan ang “Magpakailanman” ngayong Sabado pagkatapos ng “Daddy’s Gurl” sa GMA-7.

 

Mga netizen super sabik na sa serye nina Dingdong, Dennis

Hindi mapigilang maintriga ng mga netizen sa upcoming Kapuso series na “Cain at Abel.” “Kakampi. Kaaway. Kapatid.” – ito kasi ang makahulugang caption ng litrato ni Kapuso Drama King Dennis Trillo na may hawak na baril sa Instagram post ni Primetime King Dingdong Dantes. Dumoble pa ang excitement ng mga netizen nang magpasilip pa ng ilang eksena si Dennis sa pamamagitan ng kanyang Instagram story. Makikita sa video na nagkakagulo ang mga residente sa Tondo, Manila dahil sa engkuwentro ng aktor. Marami tuloy ang nagtatanong kung bakit tila laging may hawak na baril si Dennis.