Una sa Balita

Jeepney phaseout hindi pinag-isipang mabuti?

0 76

Siguradong maraming kompanya na may kinalaman sa transportasyon ang negosyo ang nag-aabang na ngayon pa lamang sa jeepney modernization program ng Department of Transportation (DOTr).

Milyun-milyong halaga ang gagastusin ng DOTr sa proyekto. Siyempre, kukuha sila ng mga makaka-partner na kompanya para ipatupad ang pag-phase out sa mga lumang pampasaherong jeep para palitan ito ng makabagong disenyo na mas maayos at ligtas at makakabawas din sa polusyon.

Pero, kinukuwestyon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang programa ng DOTr sa jeepney phaseout. Unang tanong ng senador, na napakahalaga talagang malaman, ay kung kakayanin ng kagawaran na maipatupad ang magastos na programang ito.

Babaguhin kasi lahat ng mga lumang jeep at dahil magiging mabigat ito sa bulsa ng mga jeepney owners/operators ay tutulungan sila ng gobyerno sa magagastos sa pagpapalit ng sasakyan.

Hindi pa malinaw kung anong bagong disenyo ng jeepney ang ipapalit sa mga lumang modelo nito. Mahigit 200,000 jeepney ang isasalang sa modernisasyon. Bawat isa ay nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Mayroon bang sapat na pondo ang DOTr para sa palit-jeepney?

At hindi rin tanggap ng buong jeepney organizations ang modernization program. Umaangal na sila ngayon pa lamang dahil babayaran din nila ang magagastos sa pagpapalit ng kanilang sasakyan.

Hindi tayo kontra sa pagbabago lalo pa kung ito’y makatutulong para sa mas ligtas na transportasyon at makakabawas sa polusyong likha ng usok galing sa mga lumang jeep.

Pero, pinag-isipan bang mabuti ng DOTr ang jeepney modernization program nito gaya ng sinasabi ni Recto?