Una sa Balita

Jed Madela nag-iisang Pinoy Hall of Famer sa Amerika

Walang katumbas ang husay

By
0 1,369

Hanggang ngayon, pinag-uusapan pa rin ang Higher Than High concert ni Jed Madela na ginanap sa Araneta Coliseum last November 16. Sobrang tagumpay, sobrang ganda, sobrang husay, walang katumbas, ganiyan nga ang deskripsiyon ng mga nakapanood sa ika-15 taon na selebrasyon ni Jed.

Para ka ngang nanood ng concert ng mga international performer, na mula simula hanggang dulo, kumakanta.

Sa tsikahan nga naming ni Jed Madela nu’ng nag-guest siya sa Abantelliling, ang Abante News Online show namin ni Rey Pumaloy, na napapanood sa Facebook page ng Abante, at YouTube channel na Abante Tonite, at website na @abante_tnt, inamin ni Jed na hindi rin niya naisip na aabutin nang ganito katagal ang career niya sa industriya.

“Nakakataba ng puso kasi nagsimula ako talaga ako sa scratch. Nagsimula ako sa band sa Iloilo, na walang nakakakilala, na walang talent fee, tapos tatlong oras kang kakanta, na minsan ang audience mo sa bar, isa lang o tatlo lang, tapos kamag-anak mo pa sila.

“Doon ako nagsimula, doon ako natutong magsalita. Dati kumakanta lang ako, tapos thank you. Marami akong natutunan sa pagbabanda talaga.

“Looking back mas naa-appreciate ko ang na-achieve ko ngayon. Kasi nagsimula talaga ako sa wala,” kuwento ni Jed.

Pero bago magbanda, naranasan din ni Jed ang sumali sa mga singing contest, na halos lahat yata ng trophy ay nahamig niya.

“Hanggang sa ayaw na nila akong isali, disqualified na ako, na ginagawa na lang nila akong special guest,” sabi pa ni Jed.

Tandang-tanda pa ni Jed ang lahat, na sa dinami-rami ng sinalihan niyang pakontes, isang beses lang siyang natalo, at wala pang kinalaman sa boses niya, kundi sa klase ng kanta na binanatan niya, na saliwa sa tema ng pakontest na ‘yon.

“Pero after that, hindi na rin ako sumali pa,” sabi ni Jed.

Ang pinakamalaking kontes na pinagwagian nga ni Jed ay ang WCOPA (World Championship of Performing Arts, na ginanap sa Ameria) na hinamig nga niya ang lahat ng tropeo.

“Suwerte lang naman na nanalo ako sa lahat ng cate­gories. Nung time na sumali ako, hindi naming ini-announce kasi nagsisimula pa lang ako. Pero ‘yun nga, na­nalo,” kuwento pa rin ni Jed.

Mula 2005 hanggang 2013 ay binantayan daw ng WCOPA (organizers) ang career ni Jed, hanggang sa nagdesisyon na nga ang grupo na bigyan siya ng parangal na ‘Hall of Famer’.

“Hindi ko alam na binabantayan pala nila ang career ko, mga concert ko, mga album ko. Sinubaybayan nila ang growth ko as an artist, na somebody na naggi-give back sa industriya. Tinawagan nila ako na i-induct nga raw ako sa Hall of Fame.

“Ako nga raw ang unang Pinoy na binigyan ng award na ‘yon,” kuwento ni Jed.

 

Lani, Lea mahirap na masarap ka-duet
‘Nakaka-pressure sila’

Sa sobrang husay ni Jed, na sabi nga, parang ayaw ipakanta sa iba ang mga kinakanta niya, inamin niya na marami pa ring singer sa Pilipinas na kinakabahan siya kapag nakaka-duet niya.

Kung tutuusin, lahat ng kanta kayang maniin ni Jed. O kahit sinong singer na makaka-duet niya, siguradong lalamunin lang niya, once na itinodo na niya ang pagbirit.

“Kay Lani (Misalucha) nacha-challenge ako kapag kasama ko, kasi grabe rin ang boses niya. No pulling back, kailangan talaga todo ka. Kung hindi ka totodo, lalamunin ka niya, kaya kailangan mong makipagsabayan sa kanya,” sey ni Jed.

“Si Lea Salonga, iba naman ang style niya. Grabe naman ang tenga niya. So ako napi-pressure pag kumanta na kasama siya, kasi kailangan perfect ang notes mo. Kapag nagkamali ka, ang bilis niyang matunugan.

“Sa isang concert niya, hindi naman ako ang nagkamali. Maraming instrument noon, at may isang instrument na nagkamali, alam agad niya. Grabe ang taong ‘yon.

“Napi-pressure talaga ako kay Lea, pero masaya siyang katrabaho. One of my clo­sest friends si Lea sa showbiz,” saad pa ni Jed.

Pero sabi nila, kung may mahirap kasabay, kasama sa pagkanta, si Jed mismo ‘yon. Dahil si Jed nga raw, parang ayaw ipakanta sa iba ang mga kanta niya?

“Gusto kong i-correct ‘yan. Marami ang nagsasabi na ‘Wag na si Jed ang kunin natin, kasi lalamunin tayo niyan’. Hindi totoo ‘yon. Team player ako.

“Like kami ni Jona noon, nag-duet kami, puwede kaming maglamunan. Pero, hindi namin ginawa ‘yon. Kung nasaan si Jona, nandun din ako. Le­vel lang dapat. Tulungan kayo para mas gumanda.

“Ako kasi pag prod, prod, kung gusto niyong tumaas, nasa inyo ‘yon. Pero pag ako na ang nag-solo, gagawin ko kung ano ang gusto kong gawin,” sabi niya.

 

2 buwan nawalan ng boses
‘Natakot ako’

 

Hindi raw sanay ang mga tagahanga na nakikita siyang kumakanta nang mababa.

“One time nag-record ako ng kanta na hindi birit, hindi bumenta. Ang gusto talaga nila bumirit nang bumirit ako.

“Pero tulad ng ibang singer, nagka-crack din ang boses ko. Pero nagbanda kasi ako, marunong akong magdala. Hindi lang nahahalata. Minsan may piyok, may sharp, pero nada­dala ko, kaya hindi nahahalata.

“Okey lang sa akin na kumanta na hindi matataas, o mga chill lang. Pero ang napapansin ko lang kasi, kapag relax ang kanta ko, ayaw nila, parang hindi sila nakikinig.

“Pero, pag labas na ang litid ko, ‘yung ngala-ngala ko halos sa­sabog na, doon na sila magsisigawan, mas gusto talaga nila ‘yon,” natatawang pahayag pa rin ni Jed.

Naikuwento ni Jed na da­lawang buwan din siyang nawalan ng boses noon, at isa sa pinakamalagim na pangyaya­ring ‘yon sa kanyang career bilang singer.

“Sa isang event ‘yon, parang wala akong nararamdaman sa boses ko. Bibigyan ako ng award nung time na ‘yon. Pero nawalan nga ako ng boses. Parang pagkanta ko ng isang linya, nag-thank you na ako.

“Dalawang buwan akong hindi nagsalita, hindi kumanta. Pinagpahinga talaga ako ng doktor.

“Nu’ng time na ‘yon takot na takot ako, na inisip ko baka hindi na bumalik ang boses ko, o kung bumalik man baka hindi na mataas. Inisip ko anong career ba ang puwede kong gawin kapag hindi na ako nakakanta?

“Pero unti-unti, bumalik naman. Ngayon lagi na akong nagpapa-check up, at siyempre disiplina rin talaga. Huwag abusuhin ang boses. Natuto na akong humindi ngayon. Noon kasi bawat offer, sige lang nang sige, kahit puyat, sige lang.

“Ngayon alam ko na kung paano pagpahingahin ang boses ko,” kuwento na lang ni Jed.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy