Una sa Balita

JBC naghigpit sa SALN ng aplikante ng Chief Justice

By
0 1,168

PINAALALAHANAN ng Judicial Bar Council (JBC) ang lahat ng aplikante sa pagiging Supreme Court Chief Justice na kompletuhin ang kanilang mga documentary requirement.

Nabatid sa JBC na maghihigpit sila sa mga documentary requirement na inilatag nito para sa mga aplikante para sa pagka-punong mahistrado.

Inilabas ng JBC ang anunsyo sa kanilang official website matapos nitong opisyal na buksan ang aplikasyon at nominasyon para sa pinakamataas na posis­yon sa Hudikatura.

Ito umano ay para hindi sapitin ang nangyaring pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition dahil sa kabiguan na magsumite ng kompletong bilang ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) na hinihingi ng JBC nang mag-apply siya bilang Chief Justice noong 2012.

Sa anunsyo ay mahigpit ang paalala ng JBC na hindi ipo-pro­seso ng konseho ang aplikasyon ng mga interesado sa posisyon na kulang sa documentary requirement, out of date o huling nagpasa ng mga dokumento.

Hindi rin tatangga­pin ng JBC ang apli­kasyon kung wala itong transmittal letter na naglalaman ng manifestation na lahat ng mga dokumentong hinihingi ng lupon ay kompleto.

Kasama pa rin sa rekisito ay ang pagsusumite ng SALN para sa nakalipas na sampung taon kung ang aplikante ay mula sa gobyerno at kung mula naman sa pribadong sektor ay SALN para sa taong 2017.

Bibigyan ang lahat ng aplikante na magsumite ng aplikasyon hanggang alas-4:30 nang hapon sa Hulyo 26.